Ni: PNA

MAS malaki ang posibilidad na maging overweight o obese, at magkaroon ng masamang metabolic heath condition ang mga taong kulang sa tulog, ayon sa bagong pag-aaral ng mga mananaliksik mula sa Great Britain.

Mayroong 1,615 katao na edad 19 hanggang 65 ang kinailangan sa pag-aaral na isinagawa at pinangunahan ng Leeds Institute of Cardiovascular and Metabolic Medicine at ng School of Food Science and Nutrition.

Kinolekta ng grupo ang sample ng dugo ng mga kinatawan at itinala ang haba ng tulog, pagkain, timbang, sukat ng beywang at presyon ng dugo, at iba pa, upang pag-aralan ang relasyon sa isa’t isa ng haba ng tulog, diet, timbang at iba pang bagay na bumubuo sa metabolic health.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ipinakita sa pag-aaral na inilathala sa Public Library of Science journal na PLOS One, na ang mga taong natutulog ng anim na oras sa gabi ay katamtaman lamang ang timbang, habang ang mga taong mas malaki ng tatlong sentimetro ang beywang ay natutulog ng siyam na oras sa gabi, na nagsasabing ang mga natutulog nang mas maiksi ay mas mabigat ang timbang kaysa mahahaba ang tulog.

Ayon kay Greg Potter, isa sa mga Leeds researcher, “the number of people with obesity worldwide has more than doubled since 1980. Obesity contributes to the development of many diseases, most notably type 2 diabetes.” Binigyang-diin din ni Potter ang importansiya ng “understanding why people gain weight”, at sinabing ito “has crucial implications for public health”.

Ipinakita rin sa pag-aaral na ang pagtulog sa maiksing oras ay may kinalaman sa pagbaba ng antas ng high density lipoprotein (HDL) cholesterol sa dugo ng mga kinatawan, na isa pang sanhi ng pagkakaroon ng sakit.

Nakatutulong ang HDL cholesterol upang alisin ang mapanganib na taba mula sa sirkulasyon, na nangangahulugang pinoprotektahan ng HDL cholesterol ang katawan laban sa pagkakaroon ng sakit sa puso.

“Findings highlight the importance of getting enough sleep. In the end how much sleep we need differs between people, but the current consensus is that seven to nine hours is best for most adults,” aniya.