UMASA tayong ang palitan ngayon ng mga galit na hakbangin ng Amerika at Russia ay hindi mauuwi sa seryosong bagay na makapaglalagay sa panganib sa mundo, gaya ng nangyari noon nang pinagbantaan ng Amerika at Soviet Union ang isa’t isa na pauulanan ng libu-libong nuclear missile.
Nitong Biyernes, nanawagan si Russian President Vladimir Putin sa Amerika na bawasan ng 755 ang mga kawani sa mga embahada at konsulado nito sa Russia. Nasa 455 lamang ang papayagang manatili sa mga diplomatikong tanggapan ng Amerika sa Moscow, St. Petersburg, Vladivostok, at Yekaterinburg.
Ipinag-utos ni Putin ang pagpapaalis sa mga Amerikano tatlong araw makaraang pagbotohan ng US Congress ang pagpapatupad ng mga sanction laban sa Russia, Iran, at North Korea, ngunit pangunahin ang Russia dahil sa pakikialam nito sa nakalipas na halalan sa Amerika, ang pagkubkob nito sa Crimea sa Ukraine, ang pagsuporta sa gobyerno ni Syrian President Bashar al-Assad sa limang-taong digmaan sa Syria, at ang pagkakasangkot sa mga hakbanging naglalagay sa alanganin sa pandaigdigang cyber security.
May matinding impluwensiyang pulitikal ang ginawang ito ng Kongreso ng Amerika. Taliwas ito sa polisiya ni President Donald Trump para sa mas malapit na ugnayan kay President Putin at sa Russia. At nangyari ito sa kasagsagan ng imbestigasyon ng Special Counsel ng Justice Department sa alegasyong nakialam ang Russia sa halalan sa Amerika kaya pumabor kay Trump ang resulta nito.
Napaulat na posibleng i-veto ni Trump ang sanctions bill na inaprubahan ng Kongreso, ngunit nakalulula ang nakuha nitong suporta — 419-3 ang boto ng House habang 98-2 naman ang boto ng Senado para sa naunang panukala na hindi saklaw ang North Korea. Sakaling i-veto ni Trump, malinaw na kokontrahin niya ang desisyon ng US Congress, na ayon kay Sen. Benjamin Cardin ng Maryland ay “a clear message to President Putin in behalf of the American people and our allies.”
Isang malaking babala sa administrasyong Trump ang mga magiging implikasyon nito sa lokal na pulitika, lalo na dahil binabatikos ang kanyang gobyerno sa nangyaring pulong sa pagitan ng mga noon ay nangangampanya para kay Trump, kabilang ang sarili niyang anak na si Donald Jr., at ng mga Russian na nag-aalok ng campaign material laban sa katunggali ni Trump noong eleksiyon, si Hillary Clinton.
Ngunit para sa malaking bahagi ng mundo, may isang malaking pangamba: Ano ang kahahantungan ng alitan ng Amerika at Russia? Tuluy-tuloy ang pagpapatupad ng mga inisyatibong pangkapayapaan simula nang buwagin ang Soviet Union noong 1991, at nagtutulungan ang Amerika at Russia, kasama ang mga bansang kasapi ng NATO at ang dating mga bansa sa Warsaw Pact.
Ang mga huling insidente — ang alegasyon ng pakikialam ng Russia sa eleksiyon ng Amerika, ang pagboto ng US Congress laban sa Russia, at ang biglaang direktiba ni President Putin na paalisin sa Russia ang karamihan ng mga tauhan ng embahada ng Amerika — ay may matitinding implikasyon para sa patuloy na pag-iral ng seguridad at katatagan sa mundo.
Umasa tayong hindi malalagay sa alanganin ang mga susunod na mangyayari.