Ni REGGEE BONOAN
MAY gusot o nag-break na ba sina Diego Loyzaga at Sofia Andres?
Ito ang iisang tanong sa amin ng followers ng dalawang bida sa Pusong Ligaw dahil napapansin daw nila sa IG posts ng dalawa na tila hindi sila okay.
Sinilip namin ang IG account ni Sofia at may nabasa kaming post niya na, “I think this is the best song of 2017 OUT OF LOVE.”
May follower siya na nagtanong tuloy ng, “Are you out of love po kay @diegoloyzaga?”
Walang sagot si Sofia sa tanong na ito.
Tsinek din namin ang IG account ni Diego na ang huling post naman na magkasama sila ni Sofia ay noon pang Mayo 31, na may caption na, “di ba nila alam tayo’y nagsumpaan?” Kuha sa kanila sa isang mall show ang photo.
Hmmm, baka naman matagal nang hindi okay ang relasyon nina Diego at Sofia kaya nakita naming ibang girl na ang kasamang nanood ng sine ng aktor sa Robinsons Magnolia kamakailan.
Anyway, sa grand launching ng Pusong Ligaw noong Abril 19 ay inamin nina Diego at Sofia na mahal nila ang isa’t isa. Ano na ang nangyari?
Tuluyan na bang ‘naligaw’ ang puso ni Diego?
In fairness, pataas nang pataas ang ratings ng serye nila dahil sa girian nina Beauty Gonzales at Bianca King. Sa latest ratings data na nakita namin, nagtala sila ng 17.7% kumpara sa katapat nilang show 15.5% nationwide.