Ni: Marivic Awitan
Isa si Daniel Caluag sa itinuturing na best gold medal potential para sa hanay ng 15-kataong national cycling team na isasabak ng bansa sa darating na Kuala Lumpur Malaysia SEA Games.
Kinumpirma mismo ni Philippine Cycling Federation Deputy Secretary General at Team leader Kamilla Sumagui na maigting ang ginagawng paghahanda ng magkapatid na Daniel at Chris sa Los Angeles kung saan regular silang lumalaban upang paghandaan ang pagtatanggol sa gold at silver medals na kanilang napanalunan noong 2013.
Gayundin aniya ang ginagawa ni Sienna Fines, ang Asian Junior Champion na sasabak sa unang pagkakataon sa SEA Games na nagsasanay sa Sacramento, California, kung saan tumapos itong pang-apat kamakailan sa isang USA Bmx C-2 race.
Sa naging paayam dito sa DZSR Sports Radio, sinabi ni Sumagui na nasa parehas na lebel si Daniel ngayon gaya noong nagwagi siya ng SEA Games gold noong 2013 at sa Asiad noong 2014.
Inaasahang magiging mahigpit na katunggali ng mga Pinoy sa darating na biennial games ang mga riders mula Thailand, Indonesia at Malaysia.
Direktang magtutungo ang magkapatid na Caluag sa Kuala Lumpur mula US sa Agoto 22 habang sasabay naman si Fines sa Team Phl members na aalis patungong Malaysia para sa BMX competitions sa Agosto 27.
