NI: Leo P. Diaz
ISULAN, Sultan Kudarat – Napaulat na apat na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasawi at anim na iba pa ang nasugatan nang makaengkuwentro ang 40th Infantry Battalion ng Philippine Army sa hangganan ng mga bayan ng Mamasapano at Rajah Buayan sa Maguindanao nitong Martes.
Ayon kay Lt. Col. Edgar Catu, ng 40th IB, nasa 30 armadong miyembro ng BIFF ang kanilang nakasagupa kasunod ng pambobomba ng improvised explosive device (IED) sa papadaang tropa ng militar, na ikinasugat ng siyam na sundalo.
Sinabi ni Catu na umabot din ng halos isang oras ang palitan nila ng putok sa BIFF hanggang sa umatras umano ang mga ito sa Liguasan Marsh matapos na paputukan ang mga ito at masabugan ng 105 howitzers.
Ayon naman sa mga lumikas na residente, kitang-kita nila ang pag-atras ng mga bandido habang bitbit ang anim na sugatang kasamahan, habang apat naman ang kumpirmadong nasawi mula sa BIFF, ayon sa media at police reports.
Kaugnay nito, nagbigay ng kumpirmasyon ang 105th Base Command ng MILF na hindi sila nakialam sa opensiba ng militar, bagamat inaming ang mga bandidong nakaengkuwentro ng militar ay dati nilang kasapi na piniling sumanib sa grupo ng isang “Kumander Sindad” ng BIFF.