Ni: Light A. Nolasco
GAPAN CITY, Nueva Ecija - Hinoldap ng anim na lalaki ang nasa 13 nagkakasiyahan sa isang birthday celebration sa Green Wood Subdivision sa Barangay Bayanihan, Gapan City, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Supt. Peter Madria, hepe ng Gapan City Police, sa tanggapan ni Mayor Emerson Pascual, nakilala ang mga biktimang sina Nomer Velarde Galang, 38; John Paul Ocampo Jabaluyas, 28, OFW; Juan Carlos Jabaluyas Galang, 14; Roderick Velarde Galang, 42, negosyante; Rogen Rex Matias Velarde, 39, government employee; Dennis Gubatangga Laureano, pawang taga-Bgy. Dampulan, Jaen.
Kabilang din sa hinoldap sina Michael Jarlego Pangilinan, 27, ng Bgy. Marawa, Jaen; Rodel Galang, 42, court sheriff; Juan Miguel Galang, 15; Juan Gabriel Galang, 13; Clarence Galang, 39; Claire Malgapo, 39; manager ng insurance company; at Danica Precious Malgapo, 15, pawang residente sa nasabing subdibisyon.
Nabatid na dakong 9:30 ng gabi nitong Linggo at ipinagdiriwang ni Rodel Galang ang kanyang kaarawan sa kanyang bahay nang dumating ang anim na armado at nagdeklara ng holdap.
Kasama sa mga natangay ang Rolex watch (P60,000), Colt pistol Super 38 (P70,000), iPhone 7 (P60,000), bracelet (P20,000), kuwintas (P15,000), dalawang Lenovo cell phone (P10,000), at Samsung S7 Edge (P40,000).
Nangantiyaw pa umano ang mga suspek ng, “’Yan ang bagay sa inyo, masyado kayong mayayabang!”, bago binaril si Michael Pangilinan.