Ni: Dave M. Veridiano, E.E.
KAHIT saan, lalo na sa social media, ay mainit na pinag-uusapan ang pagkakapatay sa sinasabing “Kingpin” ng mga drug pusher sa Mindanao na binubuo ng pamilya Parojinog. Maraming pumalakpak sa pagkakatumba sa mga “malaking isda”, ngunit marami pa ring nagtaas ng kilay at nanggagalaiti sa pagsasabing “rubout” ang naganap na “big time anti-illegal drug operation”.
Isa ako sa mga pumalakpak. Eh, sino ba ang hindi matutuwa sa pagkawala ng isang grupo ng mga kriminal at drug lord na sumira sa buhay ng maraming kabataang Pilipino. Ngunit ‘di ko rin mapigil na kuwestiyunin at magalit sa pamamaraan ng mga pulis sa pagpapatahimik sa grupong ito, na nagsimulang mamayagpag sa kriminalidad noong unang bahagi ng dekada ‘80.
Nanariwa sa aking isipan ang gawain ng grupong tinaguriang “Ozamis Boys”, na unang nakilala bilang Kuratong Baleleng Gang (KBG), matapos kong makakuwentuhan ang ilan kong kaibigan na matitinik na tiktik (intelligence operative) ng pamahalaan. Mga retirado sila ngunit ‘di makatiis na makisawsaw sa mga nangyayari sa kapaligiran, lalo pa’t ang nagaganap ay may kaugnayan sa ilegal na droga… bakit nga ba hindi, eh minsan na rin kasi silang naging biktima ng sobrang lakas na “connection” ng mga drug lord na kanilang nasagasaan sa pagtatrabahong “para sa bayan” na muntik na nilang ikasibak sa trabaho!
Bagong reporter ako, taong 1982 nang una kong marinig ang grupong KBG na binubuo ng magkakamag-anak na Parojinog ng Ozamis City, sa Misamis Occidental. Siga lang sila noon na biglang nakilala nang gamitin silang “vigilante group” ng AFP at ng PC – INP laban sa mga makakaliwang grupo na noo’y malakas na ang puwersa. Kumpleto sa suporta ang grupong pinamumunuan ni Octavio Parojinog, ang tatay ng napatay na si Ozamis Mayor Reynaldo – pera, baril, bala bukod pa sa proteksiyon laban sa ano mang kasong aabutin nila sa pag-harass sa mga subersibong makakaliwa.
Nang mapatalsik ang Rehimeng Marcos noong EDSA 1986 People Power-backed Revolution, halos nawala ang insurgency problem, kaya nawalan ng pagkakakitaan ang grupong KBG. At dahil kumpleto sila sa armas na hindi naman nabawi sa kanila ng mga bagong upong pulis at militar, unti-unting namayagpag ang KBG sa larangan ng kriminalidad sa Mindanao at ilang bahagi sa Kabisayaan. Bago magtapos ang dekada ‘80 ay sinikap ng mga handler nila na ma-disband ang grupo, ngunit sila ay nabigo at mas namayagpag pa ang mga ito.
Walang makagalaw sa KBG dahil alam ang naging papel nila sa mga insurgency operations ng pulis at... militar, kaya halos lahat ng ilegal na trabaho ay pinasok na nila – bank at armored van robbery at kidnapping for ransom– kaya sa halip na ma-disband, maraming opisyal ng pulis at militar ang “pumatong” na lang sa grupo upang kumita.
Ginamit din ang KBG ng ilang pulitiko, sa kanilang “discreet operations”, sa ilang lalawigan sa Mindanao para makakuha ng mga boto dahil sa malakas na karisma ng KBG sa masa, sa mga lalawigan na natutulungan nila sa pagiging “Robinhood” o pagbibigay ng ilang bahagi ng kanilang “loot” sa mahihirap.
Napatay ang nakatatandang Parojinog sa isang police operation noong 1990, ngunit sa halip na tumigil ang mga naulilang magkakapatid na sina Renato, Reynaldo at Ricardo ay ipinagpatuloy nila ang mga criminal activity ng KBG sa loob ng tatlong magkakasunod na taon bago sila magkakasunod na inaresto.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]