Ni: PNA
UPANG maitanim ang “Culture of Peace” sa mga puso kabataang Mindanaoan, ibinahagi ng mga propesyunal na kabataang Moro ang kanilang mga kaalaman at ideya tungkol sa pagbubuklod at pagkakaisa sa mahigit isandaang kabataang Kristiyano, Muslim at indigenous people (Tri-People) na delegado ng Youth for Peace Movement TALBOS 3rd Regional Youth Leaders Congress na ginanap nitong Hunyo 30 hanggang Hulyo 2, sa Alabel, Sarangani.
Ang aktibidad ay pinamunuan nina Jocelyn Lambac-Kanda, instructress mula sa Holy Trinity College; Prof. Jovar Pantao ng Mindanao State University-General Santos; at Kaharudin Dalaten, development worker ng pamahalaang panglalawigan ng Sarangani.
Tinalakay ni Lambac-Kanda ang “Cultivating the Culture of Peace and Empathy” at inihayag niya ang “basic formula in conflict resolution.”
“Amidst the armed conflicts that sow hatred, distrust and bigotry among the Filipinos being experienced in our country,” pahayag ni Kanda, “the youth, with their energy, connections and enthusiasm in advocating peace, can produce change in society.”
Isinagawa naman ni Pantao ang lecture-workshop na pinamagatang “Turning Point: Exploring my Inner Peace”, at tinuruan niya ang mga kinatawan na madiskubre ang kapayapaan sa kanilang mga sarili at kung paano ito magbibigay-liwanag sa ibang tao.
Nitong Mayo 16-18, pinamunuan ng kabataang Moro professor ang “Tudlo Kalilintad: Culture of Peace Training for Muslim Educators” na nilahukan ng mga gurong Muslim sa Sarangani.
Bilang suporta sa implementasyon sa integridad ng Peace Education bilang bahagi ng curriculum sa mga pampublikong paaralan, pinamunuan din ni Pantao ang grupo sa pagbuo ng Peace Education Module for the Teachers.
Ibinigay na halimbawa ni Dalaten ang sitwasyon ng kabataang Mindanaoan at pinamunuan ang isang workshop, na nabigyan ng pagkakataon ang mga kinatawan na manalamin at madiskubre ang kanilang mga gampanin upang makatulong sa gobyerno na matukoy ang mga isyung nakaaapekto sa kabataan, gaya ng marahas na extremism at ilegal na droga.
Kapwa United Nations Association of the Philippines Outstanding Youth Leadership Awardee noong 2009 sina Kanda at Pantao, samantalang si Dalaten ang 2016 Youth Ambassador for Peace-Asia of United Nations Universal Peace Federation.
Pinamunuan ang aktibidad ng Youth for Peace Movement TALBOS, isang grupo ng kabataang lider, katulong ang Sulong Sarangani Program, at ang flagship program ng Office of the Governor of Sarangani.
Bilang pagbibigay-pugay sa mga namuno sa aktibidad, ipinangako ng kabataang lider mula sa Regions 11 at 12 na palalakasin ang unawaan at pagkakaisa sa kani-kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kultura ng kapayapaan.