Ni LIEZLE BASA IÑIGO

Pormal nang ipinagharap ang mga kaso kaugnay ng pagpatay kay Marcos, Ilocos Norte Mayor Arsenio Agustin, ang bise alkalde ng bayan at apat na iba pa sa Provincial Prosecutor’s Office sa Laoag City.

Batay sa tinanggap na impormasyon kahapon mula kay Senior Insp. Joseph Calderon, hepe ng Marcos Police, kasong double murder, double frustrated murder, at multiple attempted murder (28 bilang), ang isinampa sa Provincial Prosecutors’ Office sa Marcos Hall of Justice sa Laoag laban kina Marcos Vice Mayor Jessie Ermitanio, ng Barangay Lydia; Hardy Dela Paz, alyas “Ardie”, ng Bucay, Abra; Jose Dato, alyas “Espanyol”, ng Burgos, Ilocos Sur; Renato Esta, alyas “Rene”, ng Bgy. Lydia, Marcos; at Bernie Lazo, ng Abulog, Cagayan.

Ayon kay Senior Insp. Calderon, dakong 4:30 ng hapon nitong Lunes nang isinampa ang nasabing mga kaso.

Probinsya

Truck na naghatid ng mga balota sa Bukidnon, nahulog sa bangin; isa patay!

Matatandaang magtatanghali nitong Hunyo 3 nang pinagbabaril ang 61-anyos na alkalde sa Sitio Cabua-an sa Bgy. Mabuti, Marcos. Nasawi rin sa insidente ang driver niyang si Rusmar Valencia, 35, ng Bgy. Daquioag, Marcos.

Nasugatan naman sa pamamaril sina Camilo Vasquez, 60; at Nolan Valencia, 18, kapwa obrero at taga-Bgy. Mabuti.

Ayon sa police report, malaki ang posibilidad na may kinalaman sa pulitika at paghihiganti ang krimen.

Bago naisampa ang kaso ay si Vice Mayor Ermitanio na ang pumalit sa puwesto ng pinaslang na alkalde.