NI: Celo Lagmay

ANG pagpaslang kay Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog at 14 na iba pa ay natitiyak kong naghatid ng nakakikilabot na hudyat sa tinaguriang mga narco-politicians na sinasabing lilipulin ng Duterte administration. Sa naturang kahindik-hindik na dawn raid o pagsalakay na isinagawa ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa tahanan ng nasabing Alkalde, napatay din ang kanyang maybahay at iba pang kaanak at mga tauhan.

Sa pagbusisi sa nabanggit na malagim na eksena, hindi ko na tatangkaing salangin ang iba pang masasalimuot na detalye na maaaring batbat ng kababalaghan. Ipaubaya na lamang natin sa kinauukulang mga awtoridad – at sa iba pang sektor na maaaring binabagabag ng mga pag-aalinlangan – ang mga imbestigasyon upang lumutang ang katotohanan. Gayunman, natitiyak ko na sa gayon ay malalantad kung may lohika ang pagsisilbi ng search at arrest warrants; kung totoong lumaban ang kampo ng mga Parojinog; at kung sino ang talagang kumukumpas o nagbibigay ng utos sa paglipol ng sinasabing narco-politics at iba pang drug lords.

Anupa’t ang naturang karumal-dumal na insidente na mistulang lumipol sa Parojinog clan ay patunay na talagang talamak pa rin ang illegal drugs, hindi lamang sa Mindanao kundi lalo na sa iba pang isla sa kapuluan. Sa Marawi City war, halimbawa, sinasabi na droga ang nagpapaalab sa Maute terrorists sa kanilang pakikidigma sa ating mga pulis at sundalo; kakuntsaba nila ang ilang local official sa pagkubkob sa naturang siyudad. Kasabay nito ang pagkakabunyag sa ilang opisyal ng Sulu at Basilan na kasabwat din ng mga drug syndicate.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Patunay pa rin ng hindi mamatay-matay na paglaganap ng illegal drugs... ang mahimalang pagpapalusot sa Bureau of Customs (BoC) ng nakalululang P6 bilyong shabu na nasabat sa isang bodega sa Valenzuela City. Iginigisa ngayon sa Kamara, at maaaring maging sa Senado, ang hinihinalang mga utak ng kontrabando. Malakas ang aking kutob na ang naturang transaksiyon ay may bendisyon ng mga may kapangyarihan.

Isa pang patunay ng talamak na illegal drugs ang pahayag ni Gen. Dionisio Santiago, bagong talagang Chairman ng Dangerous Drugs Board (DDB), na mayroon pang tatlong aktibong drug laboratory sa Luzon. Bagama’t hindi tinukoy kung saan-saan matatagpuan at kung sinu-sino ang nagpapatakbo ng mga ito, naniniwala ako sa kanyang pahayag.

Marami pang illegal drug syndicates, kabilang na ang narco-politicians, ang natitiyak kong aktibo pa rin sa nakaririmarim na sistema na kailangang mapuksa.