Ni: Manny Villar

SA kanyang ikalawang State-of-the-Nation Address noong ika-24 ng Hulyo, muling binuhay ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kontrobersiya ukol sa tinaguriang “Balangiga Massacre of 1901”, kasabay ng panawagan sa Estados Unidos na ibalik ang mga kampana ng simbahan sa Balangiga, Samar, na kinuha ng mga sundalong Amerikano bilang tropeo ng digmaan.

Ikinagalak ko na binanggit ito ng Pangulo sa talumpati na karaniwang iniuukol sa mga polisiya ng administrasyon at ng kalagayan ng bansa sa kasalukuyan. Maraming Pilipino ang hindi nakaaalam sa kontrobersiya sa Balangiga.

Sinusuportahan ko rin ang panawagan ng Pangulo na ibalik ang mga kampana ng Balangiga. Hindi ito ang unang pagtatangka ng Pilipinas na maibalik ang nasabing mga kampana.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Noong 2007, inihain ko ang Senate Resolution No. 177 na pinamagatang “Expressing the Sense of the Senate for the Return to the Philippines of the Balangiga Bells which were taken by the US Troops from Balangiga, Province of Samar in 1991.”

Isinulong ko ang nasabing resolusyon dahil sa malalim at relihiyosong kahalagahan ng mga kampana. Sa simula ng resolusyon, sinabi ko na ang mga kampana ng Balangiga ay bahagi ng buhay ng mga Pilipino, na sa kabila ng kahirapan ay nagtulung-tulong upang magawa ang nasabing mga kampana.

Inilahad ko sa nasabing resolusyon ang nangyari noong umaga ng Setyembre 28, 1901 nang patunugin ang mga kampana ng Balangiga bilang hudyat sa mga rebolusiyonaryong Waray na lumusob sa kampo ng mga Amerikano sa nasabing dako.

Nasasandatahan ng itak at nakasuot ng damit pambabae, ang mga lalaking Waray na nagkunwaring may mga dalang kabaong ng mga bata ay umatake sa mga sundalong kabilang sa Charlie Company ng 9th US Infantry Regiment ng hukbong Amerikano.

Ayon sa artikulong isinulat ni John Eperjesi para sa Huffington Post, namatay sa nasabing pag-atake ang 48 sa 78 kawal na Amerikano at 22 iba pa ang malubhang nasugatan. Tinawag ito ni Eperjesi na pinakamalaking pagkatalo ng US Army pagkatapos ng Battle of Little Big Horn noong 1876.

Mahalagang ipaalaala sa mga Pilipino na ang ginawang pag-atake ng mga Waray ay bunsod ng mapanglupig na trato sa kanila ng mga mananakop na Amerikano. Ayon sa kasaysayan, pinutol ng mga Amerikano ang supply ng pagkain sa bayan at inabuso ang kababaihan upang mapilitang lumantad ang mga rebelde.

Bilang ganti sa pagsalakay ng mga rebelde, iniutos ni Kapitan Jacob Smith na sunugin ang buong bayan at patayin ang lahat ng mamamayan na may gulang na sampung taon... pataas. Nilitis sa hukumang military si Jacob ngunit hindi naparusahan sa pangunguna niya sa “Balangiga Massacre.”

Pagkatapos patayin ang mga naninirahan sa Balangiga, iniuwi ng mga sundalong Amerikano ang tatlong kampana ng simbahan ng Balangiga. Ayon kay Eperjesi, dalawa sa mga kampana ang nasa “Trophy Park” sa loob ng F.E. Warren Air Base malapit sa Cheyenne, Wyoming. Ang ikatlo ay nasa military museum sa Camp Red Cloud sa South Korea.

Para sa Pilipinas, ang mga kampana ng Balangiga ay simbolo ng katapangan at kabayanihan ng mga Pilipino laban sa mapanglupig na puwersa.

Nararapat lamang na maibalik ang mga kampana sa mga tunay na may-ari: ang mamamayan ng Balangiga, Samar; sa Diocese ng Borongan (na kinabibilangan ng Balangiga); at sa sambayanang Pilipino.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)