Ni: Reggee Bonoan

HINDI lang pala pagpo-produce ng pelikula ang pangarap ni Atty Joji Alonso kundi gusto rin niyang subukang magdirek.

Nakilala namin si Atty. Joji through talent manager Becky Aguila na tumulong noon sa paglipat ni Angel Locsin sa ABS-CBN hanggang sa mabalitaan naming gustong niyang mag-produce ng pelikula.

ATTY JOJI copy

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ang nagmarka sa amin na pelikulang prinodyus ni Atty Joji ay ang Kubrador (2006) ni Gina Pareño na humakot ng maraming awards mula sa iba’t ibang Film Festival sa buong mundo.

Sinundan ng Here Comes the Bride (2010) nina Eugene Domingo at Angelica Panganiban na isang monster hit, Ang Babae sa Septic Tank (2011) another Eugene Domingo hit, English Only Please (2014) nina Derek Ramsay at Jennylyn Mercado; Walang Forever (2015) Jennylyn at Jericho Rosales. Sumatotal ay nasa 29 movies na ang na-produce ng kilalang abogada sa showbiz and still counting.

Tinanong namin noon si Atty. Joji kung bakit gustung-gusto niyang mag-produce ng pelikula, e, bilang lang naman sa mga ito ang kumita.

“Reggs, kasi stress reliever ko, kasi after sa court battle, gusto ng may ibang ginagawa. Though nakaka-stress din lalo na kung hindi kumita, pero iba pa rin sa pakiramdam kapag may na-accomplish ka, actually ewan ko nga rin, ha-ha-ha,” natatandaan naming sabi ng abogada nang makatsikahan namin sa presscon ng Walang Forever sa isang restaurant sa Megamall.

At dahil pinasok na rin ni Atty. Joji ang movie production ay nasa bucket list din pala niya ang pagdidirek.

Kaya nag-post siya kamakailan sa kanyang Facebook account ng, “There is no turning back. Been wanting to do this since I began watching films alone in 3rd grade, which desire was heightened upon seeing Bembol Roco beaten up in an alley in Maynila sa mga Kuko ng Liwanag. What a powerful medium!! My first and last short film. Soon!!! #LetzDoThis #Surreal #OneLessFromTheBucketList.”

Hindi muna namin ito pinansin hanggang sa magkita kami sa Grub Restaurant kamakailan habang ka-meeting niya sina Direk Jun Lana at Perci Intalan para sa movie project nilang Ang Dalawang Mrs. Reyes na pagbibidahan nina Angelica Panganiban at Judy Ann Santos na co-prod ng Star Cinema.

Kaya tinanong na namin kung tungkol saan ‘yung post niya na ‘my first and last short film soon.’

Natawa ang abogada sabay sabing, “Wala, subok lang, gusto ko lang i-try, pero hindi ko naman ipu-pursue tulad ng pagpo-produce. Ano lang ‘yun Reggs, short film lang, isa lang, pagbigyan ko lang ‘yung gusto ko.”

Paano kung okay pala, hindi niya itutuluy-tuloy?

“Naku hindi na kaya ng oras, okay na ako as producer at ‘yung law office ko,” sagot sa amin.

Tinanong namin sina Direk Jun at Direk Perci kung ano ang masasabi nila na parami na nang parami ang gustong magdirek at plano rin ba nilang i-manage si Atty. Joji dahil halos lahat ng baguhang direktor ay sila ang manager.

“Why not, kung gusto niya,” nakangiting sagot ni Direk Perci.

Tinanong din namin sila kung bakit Dalawang Mrs. Reyes ang title ng pelikula nina Angelica at Juday, hindi ba ito hawig sa Dalawang Mrs. Real na serye sa GMA-7?

“Hindi, Reggs, malayung-malayo. Basta abangan mo, magkaiba talaga, hindi ito kabitan, walang kabit dito,” tumatawang sabi ni Atty. Joji.

Kahit anong pilit namin ay hindi nila ikinuwento ang gist ng Dalawang Mrs. Reyes.

Pero sinabi nilang, “Out of the country ang shoot.”

Siyempre, mega kulit na naman kami kung saang bansa at bakit doon.

“Hindi na puwedeng sabihin kasi malalaman na, mahalaga kasi ‘yung bansang ito kung bakit naging ganu’n ang title, doon magsisimula,” makahulugang sabi ulit.

Hmmm, mas lalo tuloy kaming na-curious kung saang bansa ito. Napilit namin sa kondisyong off the record muna.

Ang bilin sa amin, “Alamin mo kung ano’ng meron sa bansa na ‘yun bakit doon namin gustong mag-shoot.”

Ang hindi namin naitanong ay kung doon nagtatrabaho ang character nina Angelica at Juday at nagkakilala.

Anyway, ni-research namin ang binanggit na bansa ni Atty. Joji pero wala naman kaming nakitang kakaibang trabaho na wala sa mga bansang kasalukuyang pinupuntahan ngayon ng mga Pinay.

‘Yun lang, kilala ang bansang ito sa literature and arts, magandang klima, mayaman ang kalikasan at maraming iba pa na hindi namin sinulat na dahil malalaman na.

“Wala pa kaming storycon, Reggs kaya hindi pa puwedeng isulat lahat,” saad pa ni Atty. Joji.