Ni: Roy C. Mabasa at Genalyn D. Kabiling

Dalawang malalaking outcome document ang isasapinal sa regional assembly sa Manila ngayong linggo.

Gaganapin ang 50th Association of Southeast Asian Nations-China (ASEAN) Ministerial Meeting and Post-Ministerial Conferences sa Philippine International Convention Center (PICC) mula Agosto 2 hanggang 8.

Nakatakdang pagtitibayin ng foreign ministers ng ASEAN ang framework para sa Code of Conduct (COC) sa South China Sea sa kanilang pagpupulong sa Agosto 6, inihayag ng Department of Foreign Affairs.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ang draft framework ay nakumpleto nitong nakaraang Mayo sa 14th ASEAN-China Senior Officials’ meeting sa implementasyon ng Declaration on the Conduct of the Parties in the South China Sea (DOC) na ginanap sa Guiying, China.

Ayon kay DFA Spokesperson Rob Bolivar, ang dahilan kung bakit ang draft framework ay ngayong buwan lamang aaprubahan ay dahil ang pagpupulong ng ASEAN-China Foreign Ministers ay tradisyunal na ginaganap sa Agosto.

“We could not schedule a special meeting for this so it was thought best to adopt the document at the regular meeting,” sabi ng opisyal ng DFA.

Nilagdaan ng mga kasaping bansa ng ASEAN at ng China ang DOC noong Nobyembre 2002 sa Cambodia. Ngayon taon ang 15th anniversary ng paglalagda nito.

Isa pang mahalagang dokumento ang inaasahang pagtitibayin – ang kasunduan sa pagpapalawig sa ASEAN-China Center, isang one-stop information center para isulong ang kooperasyon sa kalakalan, pamumuhunan, edukasyon, kultura at turismo.