WALANG dahilan para makaligtaan ang Sepfourteen.

Nakalimbag sa kasaysayan ng horse racing industry ang Sepfourteen matapos makumpleto ang prestihiyosong ‘Triple Crown’ ng Philippine Racing Commission nitong Linggo sa Saddle & Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite.

karera2 copy

Pinangasiwaan ni Jockey John Alvin Guce ang ratsada ng tatlong taong chestnut colt tungo sa dominanteng panalo laban kina Hiway One at third placer Smokin’ Saturday.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ang Sepfourteen ang ika-11sa listahan nang mga ‘immortal’ sa horseracing na kinabibilangan nina Fair and Square (1981), Skywalker (1983), Time Master (1987), Magic Showtime (1988), Sun Dancer (1989), Strong Material (1996), Real Top (1998), Silver Story (2001), Hagdang Bato (2012) at Kid Molave (2014), na sinakyan din ni Guce.

Matibay at hindi bumigay ang tuhod ng Sepfourteen sa kabuuan ng 2,000-meter race, pinakamahaba sa tatlong leg series, para hiyain ang mga karibal na nagtangkang sirain ang kanyang biyahe sa kasaysayan.

“Striking distance lang, mga third to place lang muna kami. Then, pa-half mile, doon kami kumilos. Naramdaman ko na po na malaki ang chance, kaya pagdating ng homestretch binigay ko na,” sambit ni Guce.

Anak ng pamosong Consolidator at Regal Boom, ratsada ang Sepfourteen para makopo ang titulo at premyong P1.8 milyon para sa may-aring si Oliver “Jojo” Velasquez. Kasama ang cash bonus na P500,000 dahil sa ‘sweep’, kumita ang Sepfourteen ng kabuuang premyo na P5.9 milyon.

“Masaya, hindi ko ma-explain ang feeling. From the second leg, more than a month ang preparasyon, kaya sabi ko sa kanila, kailangan this time, convincing. And convincing naman,” pahayag ni Velasquez.

“Pahinga lang muna siya, then sasalihan namin ‘yung malalaking yearend races.”

Nakatakda ang isa pang malaking karera -- Presidential Gold Cup – sa Disyembre.

Samantala, ginapi ng Metamorphosis, dating sumabak sa Triple Crown ang Bossa Nova at Cerveza Rosas sa Philracom’s Hopeful Stakes para sa premyong P600,000.00.

Nanguna rin ang alaga ni Hermie Esguerra -- Salt and Pepper – sa Philracom’s Locally-Bred Stakes Race laban sa Battle Chacha at Caloocan Zap.

“Drug-testing is a sign that we are already a world-class racing authority,” sambit ni Philracom’s Executive Director Dr. Andrew Rovie Buencamino, patungkol sa isinagawang drug-testing sa mga kalahok.

“We are giving this drug testing six months na trial run in order to perfect and find the loopholes. We don’t want to immediately impose it na hindi namin napapag-aralan nang maigi kung ano ‘yung mga dapat naming gawin. Kaya we are also studying the protocols abroad, kasama ako, si Dr. Jojo Kambay, who is the head of our laboratory here,” aniya.

“The results of our tests will be confidential. During the six-month dry run, we won’t impose penalties yet. Kasi hindi pa nga namin sigurado kung perfect na ‘yung program. Maaring may chance na may mali pa kami.”