NI: Joseph Jubelag

ISULAN, Sultan Kudarat – Tinitingnan ng pulisya ang alitan sa pagitan ng mga pamilya, o rido, na posibleng motibo sa pagpatay sa isang konsehal, sa Datu Anggal Midtimbang sa Maguindanao.

Ayon kay Chief Insp. Esmael Tarusan, hepe sa Datu Anggal Midtimbang, ang pagpatay kay Talitay Councilor Guiamal Angen, 54, ay maaaring may kinalaman sa rido.

Nagmomotorsiklo umano ang biktima nang barilin sa likod ng isang armadong sakay din sa motorsiklo sa national highway sa Barangay Bar, Datu Anggal Midtimbang, ayon sa pulisya.

Probinsya

15-anyos na dalagita, patay matapos umanong gahasain ng 13 lalaki

Nagtamo ng mga tama ng baril sa ulo at katawan ang biktima.

Narekober naman ng pulisya mula sa pinangyarihan ang anim na basyo ng bala ng .45 kalibre ng baril.

Pahayag naman ng mga kamag-anak ni Angen, maaaring pinaslang ito dahil sa aktibong kampanya nito laban sa ilegal na droga sa kanilang komunidad.

Tinaguriang ‘shabu capital’ ng Maguindanao ang bayan ng Talitay, at una nang tinukoy ni Pangulong Duterte si Mayor Montaser Sabal at ang kapatid nitong si Vice Mayor Abdulwahab Sabal na kabilang umano sa mga narco-politician sa Central Mindanao.