NI: Francis T. Wakefield
Nagpahayag kahapon ng pangamba si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa posibilidad na gamitin ng Maute Group ang mga bihag nitong sibilyan bilang “suicide bombers” dahil sa matinding desperasyon.
Nagsalita sa closing ceremony ng National Disaster Resilience Month 2017 sa Camp Aguinaldo kahapon, sinabi ni Lorenzana na ginagamit ng Maute—na nasa 30-40 na lang umano ngayon—ang mga bihag bilang human shield laban sa puwersa ng gobyerno, batay sa ulat ng Joint Task Force Marawi ng militar.
“Hindi pa natin sigurado kung gagawin nilang pang-suicide bombing nila ‘yung mga sibilyan, hindi natin alam. ‘Yun ang isang kinakatakutan ng mga sundalo, baka palabasin nila ‘yung mga sibilyan pero meron palang mga bomba, ganun,” paliwanag ng kalihim. “Yes, as suicide bombers or use them to get near the troops to detonate themselves.”
Batay sa datos bandang 7:00 ng gabi nitong Linggo, nasa 491 terorista na ang nasawi sa bakbakan, habang 114 naman sa panig ng gobyerno.
Samantala, sinabi rin kahapon ni Capt. Jo-Ann Petinglay, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) at Joint Task Force Marawi, na nasa 25 sundalo sa Marawi ang nagkasakit nitong Hulyo.
Kabilang, aniya, sa mga iniinda ng mga sundalo ang dengue, typhoid fever, at diarrhea dahil na rin sa hindi magandang environmental condition sa siyudad, partikular ang mga nabubulok na bangkay ng tao at hayop.
Karamihan naman sa nagkasakit ay nagamot na at nakabalik na rin sa bakbakan.