Ni: Marivic Awitan
Mga laro sa Martes
(Fil Oil Flying V Center)
8 an CSB-LSGH vs. Lyceum (jrs)
10 am Arellano vs. Letran (jrs)
12 pm St. Benilde vs. Lyceum (srs)
2 pm Arellano vs. Letran (srs)
4 pm Perpetual vs. San Sebastian (srs)
6 pm Perpetual vs. San Sebastian (jrs)
MATAPOS ang magkasunod na kanselasyon ng kanilang mga laro dahil sa pananalasa sa Metro Manila ng nagdaang bagyong Gorio, magpapatuloy ang aksiyon ngayong araw sa NCAA Season 93 basketball tournament tampok ang anim na laro, tig-3 sa junior at senior divisions sa Fil Oil Flying V Center sa San Juan.
Tatangkaing ipagpatuloy ng namumunong Lyceum of the Philippines University ang nasimulan nilang 4-game winning run sa pagsagupa nila sa College of St Benilde sa unang laro sa seniors division ganap na 12:00 ng tanghali.
Susundan naman ito ng tapatan ng Arellano University at ng Letran ganap na 2:00 ng hapon bago ang sagupaan ng University of Perpetual at season host San Sebastian College ganap na 4:00 ng hapon.
Bago ang naturang mga seniors matches, magtutuos sa unang dalawang laban ang mga juniors squads ng St. Benilde at Lyceum ganap na 8:00 ng umaga at ng Arellano at Letran sa ika-10:00 ng umaga. Magaganap naman ang ikatlong juniors match sa pagitan ng Junior Altas at Staglets ganap na 6:00 ng gabi.
Gaya ng dati, inaasahan ni coach Topex Robinson upang manguna sa kanilang koponan at patuloy na magbigay inspirasyon sa kanilang mga kakampi sina CJ Perez, Jasper Stay at ang kambal na sina Jaycee at Jayvee Marcelino.
Ayon kay Robinson, patuloy na magsisilbing lider ng Pirates si Perez, ngunit naniniwala siyang hindi niya maipapanalo ang kanilang mga laro sa tulong ng kanyang mga teammates.”CJ might be the face of the team,but he will never be better than his teammates.”
Sa kabilang dako, magtatangka namang makapagtala ng unang panalo sa loob ng court ang College of St Benilde matapos ang magkasunod na kabiguan, pinakahuli kontra defending champion San Beda Red Lions kasunod ng unang panalo sa bisa ng isang protesta kontra Perpetual sa una nilang laro.
Magkukumahog namang bumangon mula sa huling kabiguang kapwa nalasap sa kamay ng Lyceum ang Arellano Chiefs at ang San Sebastian Stags.
Tatangkain ng Chiefs na kumalas sa pagkakabuhol nila sa ikatlong posisyon ng Jose Rizal University Heavy Bombers taglay ang patas na markang 2-2, panalo -talo sa pagtutuos nila ng Letran Knights na hangad namang makaahon sa natamong dalawang dikit na talo na nagbagsak sa kanila sa ilalim ng standings kapantay ng Mapua sa barahang 1-3.
Huling natalo ang Knights sa Red Lions, 74-81.
Maghihiwalay naman ng landas ang Altas at Stags na kapwa nasa ika-4 na puwesto hawak ang barahang 1-2, kasalo ng Emilio Aguinaldo College at St. Benilde.
Magtatangka ang Altas na dugtungan ang naiposteng 63-60 panalo kontra Mapua Cardinals sa NCAA on Tour noong Hulyo 20 sa Mapua gym habang babangon naman ang Stags sa nalasap na 73-78 na kabiguan sa Pirates noong Hulyo 21.