Ni GENALYN D. KABILING
Kumilos si Pangulong Rodrigo Duterte para mawakasan ang diumano’y labis-labis na pasahod at bonus sa government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Sa Executive Order No. 36, na nilagdaan ng Pangulo nitong Hulyo 28, sinususpinde ang Compensation and Position Classification System (CPCS) para sa sektor ng GOCC na pinahintulutan ng nakalipas na administrasyon.
Pinapayagan din ng bagong presidential directive ang “interim compensation adjustments” sa apektadong GOCCs habang hinihintay ang masususing pagrepaso sa salary system.
“There is a need to further study and review the compensation of GOCCs and eliminate any excessive, unauthorized, illegal and/or unconscionable allowances, incentives and benefits,” saad sa kautusan.
“The GGC (Governance Commission for GOCCs) finds that there are compelling reasons to revisit and/or reevaluate the CPCS under EO No. 203 and institute an interim measure for affected GOCCs in the meantime,” dugtong dito.
Ang CPCS, nakapaloob sa EO 203 na inisyu ni Pangulong Benigno Aquino III noong Marso 2016, ay naglalayong i-rationalize ang GOCC compensation at gawin itong competitive sa pribadong sektor upang maakit at mapanatili ang mga manggagawa.
Pansamantala, pinahihintulutan ni Pangulong Duterte ang GOCCs na sakop ng Salary Standardization Law, na magkaroon ng “modified salary schedule” at pinapayagan ang mga benepisyo sa ilalim ng EO 201 na inilabas noong nakaraang taon.
Itinaas ng EO 201 ang suweldo ng civilian government personnel at pinagkalooban ng mga karagdagang benepisyo ang kapwa civilian at uniformed workers.