Ni: Marivic Awitan
TAGUMPAY na naipaghiganti ng Bali Pure ang natamong kabiguan sa nakaraang Reinforced Conference Finals sa Pocari Sweat nang walisin ang karibal, 25-21, 25-16, 25-23, upang makopo ang pang -apat at huling semifinals seat sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Nakabalikwas din ang Purest Water Defenders mula sa magkakasunod na pagkatalo upang tumapos sa eliminations na may 4-3 karta.
Tanging sa third set lamang naramdaman ang opensa ng Lady Warriors nang lamangan nila ang Purest Water Defenders, 16-10, bago unti -unti silang hinabol ng huli at agawin ang kalamangan, 21-20.
Dahil sa panalo, nakaiwas din ang Balipure sa playoff kontra Perlas na tuluyan ng napagsarhan ng pintuan sa semis.
“Very challenging ang naging season namin. Marami kaming kinailangan i-resolve. I’m just happy na nakuha namin ‘yung panalo ngayon. May pinakita kaming laban na nawala sa amin before,” wika ni Bali Pure head coach Roger Gorayeb.
Pinamunuan ng Far Eastern University standout na si Jerrili Malabanan ang nasabing panalo ng Balipure sa itinala nitong 14 puntos.
Nagtapos namang topscorer sina Jeanette Panaga at Myla Pablo para sa Pocari Sweat matapos umiskor ng tig -10 puntos.
Nakatakdang makatunggali ng Balipure ang undefeated at topseed Cream line habang makakatapat naman ng Lady Warriors ang Hair Fairy-Air Force Lady Jet Spikers sa best-of-three semifinals series na magsisimula sa Sabado.