Ni: Mary Ann Santiago
Patay ang isang customer ng videoke bar nang saksakin ng kapwa niya customer sa pag-aakalang ito ang kumuha ng kanyang pera sa Malate, Maynila, nitong Sabado ng gabi.
Tatlong saksak sa likod ang ikinamatay ni Diomevar Oric, 32, ng Leon Guinto Street, kanto ng Remedios St., sa Malate.
Arestado naman at nagsisisi si Gerry Nacario, 26, stay-in construction worker sa Malvar St., kanto ng Vasquez St., sa Malate.
Sa ulat ni PO3 Dennis Turla ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang pananaksak sa loob ng Q9 Café videoke bar, na matatagpuan sa Remedios St., malapit sa kanto ng Taft Avenue, dakong 11:10 ng gabi.
Ayon kay Cristina Mejos, nagtatrabaho sa nasabing bar, nagsimula ang gulo nang igiit ng suspek na nawalan siya ng P800 matapos gumamit ng banyo sa nasabing bar.
Sinabi umano ni Nacario na posibleng kinuha ito ng isa sa dalawang taong nakasabay niya sa banyo.
Sinita umano ng suspek ang biktima at pinagbintangang ito ang kumuha ng kanyang pera, na mariin namang pinabulaanan ni Oric at saka ipinagpatuloy ang pag-inom ng alak.
Lalong nag-init ang ulo ni Nacario at sandaling umalis upang kumuha ng kutsilyo at walang sabi-sabing pinagsasaksak si Oric.
Nakatakdang sampahan si Nacario, na nakakulong sa MPD headquarters, ng kasong murder.