BAGAMAT hindi na miyembro ng Gabinete ang dating kalihim na si Gina Lopez, ang adbokasiyang ipinaglaban niya sa iilang buwan niyang pamumuno sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay muling nabuhay sa makapangyarihang suporta ni Pangulong Duterte.
Sa kanyang State-of-the-Nation Address nitong Lunes, sinabi ng Pangulo na dapat na ayusin at isailalim sa rehabilitasyon ng mga kumpanya ng minahan ang mga lugar na sinalaula ng kanilang operasyon. Ang mga susuway, aniya, ay magiging “taxed to death” at ang pondong malilikom ay gagamitin sa pagsasaayos sa mga lugar na napinsala ng pagmimina.
Matatandaang ipinag-utos ni Secretary Lopez ang pagpapasara sa 23 kumpanya ng minahan at ang suspensiyon ng limang iba pa dahil sa paglabag sa mga batas at patakarang pangkalikasan. Ang mga ipinasarang minahan, aniya, ay natuklasang ilegal na nakikialam sa mga watershed, at tumatagas at kumakalat sa mga ilog ang kani-kanilang basura. Maraming sakahan ang hindi na mapagtaniman dahil sa polusyon.
Tumugon ang industriya ng minahan sa hakbangin ng DENR, at ilang kasapi ng Kongreso ang nagsabing hindi dumaan sa wastong proseso ng batas ang pagpapasara sa mga minahan. Mahaharap ang bansa sa magagastos na asunto sa mga pandaigdigang arbitration court dahil sa laki ng ipinuhunan ng mga kumpanya ng minahan sa kani-kanilang operasyon.
Mawawala sa gobyerno ang ₱70 bilyon halaga ng taunang buwis; mawawalan ang mga lokal na pamahalaan ng mahigit ₱441 milyon real estate taxes, local business taxes, mayor’s permit fees, at iba pang singilin. Mahigit 1.2 milyong manggagawa ang mawawalan ng pagkakakitaan sakaling tuluyang magsara ang 23 kumpanya ng minahan na nasa listahan ni Secretary Lopez.
Nabigo siya sa laban nang bumoto ang Commission on Appointments upang ibasura ang pagkakatalaga sa kanya sa puwesto.
Tinanggap ni Pangulong Duterte ang pasya ng mga mambabatas sa komisyon at pinalitan si Lopez ni DENR Secretary Roy Cimatu.
Subalit malinaw na napagtanto ni Pangulong Duterte na tama ang ipinaglaban ni Secretary Lopez para sa kalikasan kaya naman sa kanyang SONA ay inatasan niya ang mga kumpanya ng minahan na linisin, ayusin at ibalik ang dating ganda ng lahat ng lugar na napinsala sa pagmimina. “The protection of the environment must be made a priority ahead of mining and all other activities that adversely affect it,” anang Pangulo. “You have gained much from mining. We only get about ₱70 billion a year. But you have considerably neglected your responsibility to protect and preserve the environment for posterity.”
May isa pang inilahad ang Pangulo. Sinabi niyang kung maaari ay ititigil na ng bansa ang kasalukuyang pagluluwas ng raw mineral resources ng Pilipinas; at sa halip ay sisikapin niyang maiproseso rito sa bansa ang raw materials para makabuo ng mga produkto. Sa ngayon, nakalilikha at nagluluwas ang Pilipinas ng 24 na porsiyento ng mga nickel na ginagamit sa buong mundo upang makabuo ng bakal, ngunit wala naman tayong sariling industriya ng bakal sa ating bansa.
Magtatagal pa marahil bago makapagtayo ang Pilipinas ng mga industriyang magpoproseso sa ating mga batong mineral para makabuo ng mga produktong tulad ng bakal. Subalit maaari nating kaagad na ipatupad ang mga batas at patakarang magbibigay ng proteksiyon sa kalikasan. Ito, gaya ng idineklara ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA nitong Lunes, ang polisiya ng gobyerno na hindi kailanman babaguhin.