Ni: PNA
UMABOT sa 500 puno ng narra at mahogany ang itinanim sa kabundukan ng mga bayan ng Bacsil, Dingras, at Laoag City, nitong Sabado.
Sa kabila ng bagyo, umakyat sa bundok ang mga miyembro ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas-Ilocos Norte Chapter kasama ang Pinakbet Group, isang aktibong non-government organization sa Ilocos, at ang mga kinatawan mula sa Department of Environment and Natural Resources, upang magtanim ng mga puno.
Para sa ikapitong anibersaryo ng “Oplan Broadcastreeing” program ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas, pinuntahan nila ang iba’t ibang bayan at lungsod ng probinsya upang isulong ang adbokasiya ng pagtatanim ng mas maraming puno bilang suporta sa national greening program ng gobyerno.
Ayon kay Celestina Paz, presidente ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas -Ilocos Norte Chapter, ang patuloy na pagsasagawa ng programa ay umaasang makakapagbigay ng inspirasyon sa mga residente na pangalagaan ang kapaligiran at pigilan ang epekto ng climate change.
Nagsimula noong 2011, ang sabay-sabay na implementasyon ng “Oplan Broadcastreeing Project” sa buong bansa ay alinsunod sa Memorandum of Agreement na pinirmahan ng Department of Interior and Local Government at ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas, na noon pa man ay katuwang na ng kagawaran sa mga programa nito.
Sa loob ng limang taon, nakapagtanim na ng 12 milyong buto ng puno ang Department of Environment and Natural Resources -Ilocos Norte sa kabundukan ng probinsya na umabot sa 21 ektaryang lupain sa mga bayan ng Vintar, Nueva Era at Piddig, kaya nabuo ang tinatawag na ‘green wall’ sa lalawigan.
Pagkatapos ng tree planting, ipinagpatuloy ng Department of Environment and Natural Resources ang monitoring sa mga puno sa pakikipagtulungan ng mga nasabing komunidad para sa huling ebalwasyon ng aktibidad.