Ni Charissa Luci-Atienza
Nais ni House Speaker Pantaleon Alvarez na patawan ng habambuhay na pagkakabilanggo ang mga opisyal at kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na mapatutunayang sangkot sa mga maanomalyang kasunduan na iniaalok ng mga big-time taxpayer para sa pagbabayad ng mga ito ng buwis.
Ito ang naging apela ni Alvarez sa pagdinig kamakailan ng House Committee on Ways and Means matapos na aminin ng mga opisyal ng BIR na pinayagan nila ang Del Monte Philippines, Inc. na magbayad lamang ng P65 milyon, gayung P8.7 bilyon ang tax assessment sa kumpanya.
“Aside from amendments to the National Internal Revenue Code, kung puwede sana dapat reclusion perpetua ang maximum penalty sa mga tulad nitong kaso,” mungkahi ni Alvarez.
Dumalo sa hearing sina BIR Commissioner Cesar Dulay, Deputy Commissioner Teresita Angeles, at Assistant Commissioner Marissa Cabreros, kasama ng iba pang mga opisyal ng BIR.
Kinastigo ni Alvarez si Dulay sa hindi personal na pagsusuri sa sinasabing pagtapyas sa tax liabilities ng naturang kumpanya para sa mga taong 2011 hanggang 2013.
Sinabihan niya si Dulay na baguhin ang proseso ng BIR sa mga kaso ng “protested assessment” gaya ng sa Del Monte.
“Ayusin n’yo ang process n’yo. Commissioner Dulay, ‘yung ganyang kalaking reduction pipirma ka dapat dahil commissioner dapat ang nagrereview niyan, hindi dapat hugas-kamay,” sabi ni Alvarez.
Sinabi ni Dulay na hindi niya inaprubahan ang nasabing pagtapyas, dahil ang mga “protested assessment” case gaya ng nangyari ay hindi na kailangang dumaan sa Office of the Commissioner.
Ayon kay Dulay, pag-aaralan ng BIR ang mungkahi ng Speaker.