Ni: Ali G. Macabalang

COTABATO CITY – Pinagbabaril ng mga hinihinalang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang helicopter na sinasakyan ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu habang naglalakbay papunta sa kampo ng militar sa bayan ng Datu Salibo nitong Sabado, ayon sa report ng pulisya.

Ayon kay Senior Supt. Agustin Tello, Maguindanao Police Provincial Office director, ang gobernador, ang kapatid nitong si Mangudadatu Mayor Freddie Mangudadatu, at ang pilotong si Dennis Figueroa ay naglalakbay papunta sa 6th Infantry Division headquarters ng Philippine Army sa Camp Sioncgo sa Datu Odin Sinsuat nang inatake ng mga bandido.

Pinagbabaril ang helicopter, na pagmamay-ari ng Aerworkz na nagpaparenta ng aircrafts, gamit ang .308 kalibre ng baril, o M-14 assault rifles.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“A bullet that pierced through the copper’s right window shield nearly hit me in the head,” sinabi ng gobernador sa mga reporter nang makalapag siya sa Maguindanao airport na malapit sa Army camp.

Suspetsa ni Tello, mga miyembro ng BIFF, na sangkot sa jihadist na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), ang umatake kina Mangudadatu, base na rin sa mga inisyal na report mula sa mga hepe ng pulisya sa pangalawang distrito ng Maguindanao.

Nabatid na inimbitahan si Gov. Mangudadatu bilang pangunahing tagapagsalita sa closing program ng youth summit laban sa marahas na religious extremism sa kampo ng militar, nitong Sabado ng umaga.