Ni: Marivic Awitan

Nagpahayag ng kanyang kasiyahan sa nakikitang improvement ng Philippine national men’s volleyball team ang head coach na si Sammy Acaylar matapos mangalahati sa kanilang dalawang linggong training camp sa South Korea.

Matapos ang apat na tune-up matches, araw-araw na strength and endurance training at pagdi-develop ng chemistry ng koponan sa loob at labas ng court, nagpahayag ng kanyang saloobin si Acaylar sa aniya’y magandang tinatakbo ng kanyang koponan na nakatakdang sumabak sa darating na 29th Southeast Asian Games in Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19 - 31.

“I’m happy that we are able to identify and address our weakness in service receive, blocking and floor coverage,” ani Acaylar.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nagwagi ang Nationals ng kabuuang tatlong sets sa kanilang tune-up games kontra sa Korean U-19 team, Korean Universiade U-23 squad at club team Hwasung City.

Sa nasabing mga laro, hiniling ni Acaylar sa kanyang mga Korean counterparts na gawing limang sets lahat ng laro kahit ano pa ang maging resulta nito upang sanayin ang mga Pinoy sa mataas na lebel ng volleyball competition.

“Ang pinakaimportante lang doon ay every time we have a tune-up game ay nagi-improve sila. Nagi-improve ang team natin. Nakikita ko na kahit galing kami sa conditioning training tuwing umaga, they work and push themselves to improve,” ani Acaylar.

“Nakikita nila kung saan sila nagkakamali and nakakatulong din sa atin ang mga Korean coaches para matuto tayo at ipakita sa atin kung saan pa tayo dapat mag-improve,”dagdag nito.

Ang Nationals na pinangungunahan nina team captain John Vic De Guzman, top setter Geuel Asia, power-hitter Mark Alfafara at Bryan Bagunas ay nagpakita ng kanilang pinaka-impresibong laro kontra Korean U-19 team noong Lunes.

Sa kabila ng kanilang kakulangan sa height kumpara sa mga Korean na may average height na 6-foot-5, nagtala ng dalawang set wins ang mga Filipino sa larong nagtapos sa iskor na 26-24, 17-25, 22-25, 25-22, 11-15.

Dahil dito, pinuri sila ng national youth coach ng Korea na si Park Wongil.“I’m really impressed because your team is really better than what I expected.”

Ngunit nabahiran ng kalungkutan ang nasabing kasiyahan nang ma-injured ang isa sa mga spiker ng koponan na si Greg Dolor sa kanyang kamay na nagtamo ng fracture sa isang blocking drill noong nakarang Huwebes.

Kinailangang operahan si Dolor para maisaayos ang na-fracture na kamay na naging dahilan upang tuluyan na siyang palitan ng reserve na si Peter Quiel na gaya nya’y galing din ng Far Eastern University.

May lima pang mga tune-up games na lalaruan ang Nationals bago sila magbalik ng Manila sa Agosto 3 at umalis patungong Malaysia kung saan makakaagupa nila ang Indonesia, Vietnam at East Timor sa group stage.