Ni: Liezle Basa Iñigo

SAN QUINTIN, Pangasinan - Naalarma ang ikaanim na distrito ng Pangasinan sa isang social media post na nagsasabing dinukot ng mga rebelde ang alkalde ng San Quintin, Pangasinan nitong Biyernes.

Gayunman, kaagad itong pinabulaanan ng hepe ng San Quintin, at sinabing maging si Mayor Cecil Clark Tiu ay nagulat sa nag-viral na post.

Nag-viral sa Facebook ang pagkakadukot umano ng New People’s Army (NPA) sa alkalde, batay sa isang post na kumalat sa kasagsagan ng engkuwentro ng mga tauhan ng Regional Public Safety Battalion (RPSB) ng Police Regional Office (PRO)-1 sa mga rebelde sa katabing bayan na San Nicolas.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Pinaniwalaan sa lalawigan ang nasabing post dahil galing umano ito sa isang dating kalihim ng Department of Interior and Local Government, na hindi naman pinangalanan.

Mariin namang pinabulaanan ni Senior Insp. Napoleon Elecceon, Jr., hepe ng San Quintin Police, ang tungkol sa pagdukot umano sa alkalde.

Sa panayam ng Balita kay Elecceon kahapon, sinabi niyang nakausap pa niya si Mayor Tiu kahapon (Sabado) ng umaga at nagulantang din ang alkalde sa balita.

Sinabi rin sa post na limang pulis ang napatay sa engkuwentro, na batay sa mga ulat ay hindi rin totoo.

Sa nasabing bakbakan nitong Biyernes, isang miyembro ng RPSB ang nasawi at tatlong iba pa ang nasugatan.

Nagpalabas naman ng pahayag ang pamunuan ng pulisya sa Pangasinan: “San Nicolas, Pangasinan is all under control; side stories in San Nicolas Police Station were over run by alleged dissident terrorist and is all HOAX!”

Nakasaad pa sa pahayag: “Likewise, stories like San Quintin, Pangasinan mayor being abducted and one hostage-taking in Sta Maria National High School, San Nicolas, Pangasinan are all gossips and rumors and are all black propaganda of NPA to disgrace, humiliate and destroy the credibility of our government.”