Ni NORA CALDERON
KASAMA ni Marian Rivera sa launching ng new endorsement niyang Snow Crystal White Tomato ang unica hija nila ni Dingdong Dantes na si Baby Zia.
May taping kasi ng Alyas Robin Hood 2 si Dingdong kaya habang nagtatrabaho rin si Marian, nasa isang room naman ng New World Hotel si Zia.
Pagkatapos ng launching, first time naming nakita nang personal si Baby Zia nang makasabay naming naghihintay ng kanilang sasakyan ang mag-ina. Ngayon, hindi na kataka-taka sa amin kung bakit naiiyak si Marian kapag natatagalan siyang wala sa bahay at nagtatrabaho dahil nami-miss niya si Baby Zia. Napakabibo at very loving naman kasi ang bagets, na one year and eight months na, at matatas nang magsalita. Lagi siyang nakayakap kay Marian at halik nang halik sa nanay.
Sample ng pag-uusap ng mag-ina:
“Ano name mo?”
“Zia,” sabay turo sa sarili niya.
“Saan tayo pupunta?”
“Sa mall”
“Ano gusto mo sa mall”
“Lollipop”
“Ano name ng tatay mo?”
“Dingdong”
“Ano name ng mama mo?”
“Marian.”
“Ano tawag mo sa kanya?” sabay turo sa manager niyang si Ateng Rams David.
“Atenggg!” malakas na sagot ni Zia.
At kapag sinabi ni Marian na “po”, uulitin ni Zia ang sinabi niya na may kasama nang ‘po.’
Hanggang ngayon ay bini-breastfeed pa rin ni Marian si Zia, kaya naman bumalik na rin ang kanyang 19-inch waistline.
“Hindi ko na rin kasi kailangang mag-exercise, iyong sundan-sundan ko lang si Zia, para na akong nag-exercise. Ang likut-likot na niya kasi at kung saan-saan pumupunta sa loob ng bahay, hindi ko naman siya p’wedeng pabayaan, iyon ang tungkulin ko sa kanya bilang nanay niya,” kuwento ng magandang nanay na minana naman siyempre ng anak.