Ni: Aris Ilagan

WALANG kadala-dala!

Nitong Martes ng tanghali, isang cargo truck ang nasangkot na naman sa aksidente sa C-5/Ortigas flyover, at inararo nito ang 19 na sasakyan.

Idinahilan ni Juan Mirabueno, driver ng 10-wheeler truck na pag-aari ng Solid Gold Trading, na bumulaga sa kanya ang matinding trapiko sa kanyang daraanan habang umaakyat siya sa C-5/Ortigas flyover kaya inapakan niya ang pedal sa preno.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Subalit sa halip na tumigil ang dambuhalang sasakyan, pumalpak ang preno nito at inararo ang mga sasakyan na nakatigil sa harapan nito.

Walang kalaban-laban ang mga nakahintong sasakyan sa harapan ng cargo truck kaya mistulang mga lata ng sardinas na pinitpit habang dumadausdos ang dambuhalang sasakyan sa itaas ng flyover.

Dakong 10:00 ng umaga nang mangyari ang insidente kaya nasabayan nito ang kasagsagan ng trapiko sa lugar.

Isang rider ang namatay sa insidente matapos maipit ang kanyang motorsiklo sa ilalim ng truck. Ilan pang driver ang nasugatan.

Nakakikilabot ang eksena na nakuhanan ng dash cam ng mga motorista na natiyempong dumaraan sa lugar nang mangyari ang trahedya.

Mayroong kotseng bumalagbag sa kabilang lane matapos itulak ng ibang sasakyan na sinalpok din ng truck.

Malaking perhuwisyo ang naidulot ng truck.

At nang kapanayamin ng mamamahayag si Mirabueno, iisa lang ang kanyang naging tugon: “Sorry po!”

Nakapapagod nang mapakinggan ang ganitong linya mula sa mga taong pinagmumulan ng aksidente sa lansangan. Matapos makapatay at makasugat ng mga inosenteng tao, sorry ang maririnig natin.

Bukod dito, bakit ang pobreng driver lang ang pinupuntirya sa tuwing mayroong sakuna sa kalsada? Bakit hindi iharap sa media ang tunay na may-ari ng sasakyan upang magpaliwanag kung bakit pumalpak ang preno ng truck?

Bakit si Mirabueno lamang ang nagsasalita sa TV? Nasaan ang amo mo?

Malaking danyos ang kinahaharap ng Solid Gold Trading bunsod ng insidente. Hindi ito madadaan sa pa-sorry sorry lang.

Mahalaga na inspeksiyunin muna ang bawat sasakyan bago ito ilarga sa lansangan. At kung may nakitang depekto sa sasakyan, huwag nang piliting gamitin dahil tiyak na peligro lang ang idudulot nito.

Sa halip na tumabo ng kita mula sa delivery service, milyun-milyong piso ang bubunutin ng may-ari ng truck dahil sa dami ng pinerhuwisyo nito.

Sa halip na ipagawa ang preno na aabutin lamang ng ilang daang piso ay lumaki pa ang kanilang gastos bukod pa sa asuntong kanilang kakaharapin.

Sentido kumon lamang ito, amigo.

Kailangan pa bang ime-memorize ‘yan?