Ni REGGEE BONOAN
TULAD ng sinulat ni Bossing DMB kahapon, parehong malaki ang kinikita ng Kita Kita at Finally Found Someone kaya pareho ring masaya ang producers ng mga pelikulang ito.
Sabi pa niya, Viva Films ang big winner o ‘kumikita’ nang husto dahil co-producer ito ng Star Cinema sa Finally Found Someone nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo at distributor naman ng Kita Kita nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez.
Gumagawa ng kasaysayan sa movie industry ang Kita Kita dahil sa halip na pakonti ang mga sinehang okupado nito ay padagdag nang padagdag na umabot na kahapon sa 202 cinemas. Noong opening day last July 19, hindi umabot sa 100 theaters ang nagpalabas nito.
Kaya hindi kataka-taka na lumalampas sa P20M ang kinakabig nito sa takilya sa isang araw. Umabot sa P25M ang kinita ng Kita Kita noong nakaraang Linggo (Hulyo 23) at P22M naman ang kinita nitong Biyernes (Hulyo 28).
Unbelievable talaga. Kaya naman araw-araw ay nagpapasalamat ang Spring Films producers sa pangunguna nina Piolo Pascual, Joyce Bernal at Erickson Raymundo sa lahat ng sumusuporta ng project nila sa kani-kanilang social media accounts, ganoon din si Direk Sigrid Andrea Bernardo at ang mga bidang sina Alessandra at Empoy.
At nakakagulat dahil may kanya-kanyang posts ang mga bumabati kay Empoy na ang karamihan ay kababayan niya sa Baliwag, Bulacan na nakakakilala sa kanya maging noong hindi pa siya nag-aartista.
Very revealing ang sinabi ng isa na nag-private message kay Bossing DMB, dahil naging guro ng kapatid ng komedyante. Pero magkakapareho sila ng mga sinasabi tungkol kay Empoy, na napakabait, walang ere, responsableng anak at kapatid, at kailanman ay hindi lumaki ang ulo.
Kahit daw sikat na ay parati pa ring nakikitang naglalakad na nakatsinelas, kausap ang mga dating kaibigan noong walang-wala pa siya, at lagi pa ring sumasali sa prusisyon tulad ng nakagawian.
May pagbabago kay Empoy, pinahinto na pala niya ang nanay niya sa pagtitinda ng tsinelas at iba pa sa eskuwelahan at pinagpahinga na sa bahay nila at ipinagpatayo ng magarang bahay ang pamilya. Ito ‘yung nabanggit sa amin ng aktor nang i-one-on-one interview namin pagkatapos ng presscon ng Kita Kita.
Kaya sa mga baguhang aktor, baka naman gusto ninyong sundan ang mga yapak ni Empoy na kahit sikat na ay hindi nagbabago sa pakikitungo sa kapwa. At sa mga datihang aktor na medyo nagbago ang ugali dahil sa kasikatan, baka lang gusto ninyong maging ‘peg’ ang komedyante.
Anyway, binabati namin ulit ang Team Kita Kita.
Going back to Finally Found Someone, alam na namin kung ano ‘yung nabago kina Sarah at Lloydie sa pelikulang ito na hindi napanood sa naunang tatlong pelikula nila na pinamahalaan ni Direk Cathy Garcia-Molina.
Una, si Direk Theodore Boborol ang direktor nitong huli. Ikalawa, ang ganda-ganda ni Sarah sa buong pelikula, dalagang-dalaga na talaga kumpara sa naunang tatlo na bagets pa at okay lang sa kanya na kunan ng kamera kahit ano ang itsura niya. Ikatlo, nabago na rin ang itsura ni John Lloyd, halata nang may edad na rin dahil manipis na ang buhok pero ang ganda ng skin niya at ang ganda ng katawan niya dahil pumayat kumpara sa naunang tatlo na may baby fats pa at makapal ang buhok.
Ito naman ang mga hindi nabago, base sa obserbasyon namin:
Una, nakasunod pa rin sa formula na happy family kay Sarah at laging may conflict sa pamilya ang character ni John Lloyd. Para siguro lagi siya ang may mabibigat na eksena at maipakita pang lalo ang kahusayan niya sa drama.
Ikalawa, empleyado sa advertising agency si Lloydie sa naunang tatlo, pero malapit pa rin dito ang trabaho niya sa PR firm naman.
Ikatlo, hindi pa rin matuluy-tuloy ang kissing scene nina Sarah at JLC. Sino ba ang may ayaw, si Matteo Guidicelli o si Mommy Divine Geronimo?
Ikaapat, the usual, maraming beauty shots.
At higit sa lahat, tulad ng naunang tatlong pelikula ng AshLloyd, pinipilahan ang Finally Found Someone sa mahigit 300 cinemas nationwide kaya unbeatable pa rin ang partnership nila.