NI: Bella Gamotea

Sinibak na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde sa puwesto ang isang pulis na nakuhanan ng video nang magpakita ng baril habang nakikipagtalo sa isang magkapatid, ang isa ay binatilyo, sa kalsada sa Pasay City.

Matatandaang nag-viral sa social media ang nasabing video.

Sa pahayag ng NCRPO kahapon, sinabi nitong kamakalawa (Hulyo 27) pa sinibak sa puwesto si PO2 Manuel Carvajal Taytayon, na nasa ilalim ngayon ng hurisdiksiyon ng Regional Personnel Holding and Accounting Unit (RPHAU) sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City bilang preventive measure.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Inatasan ni Albayalde si Senior Supt. Ernesto Barlam, hepe ng Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD), na magsagawa ng masusi at mabilisang imbestigasyon sa isyung kinasasangkutan ni Taytayon, na nakatalaga sa Southern Police District (SPD).

Kabilang sa bubusisiin ng RIDMD ang naturang viral video upang matukoy kung may katotohanan ang sinasabing ipinamalas na masamang asal ng pulis laban sa dalawang sibilyan na binusinahan nito sa gitna ng kalsada sa Pasay City.