Ni: Francis T. Wakefield
Isang pulis-Maynila ang nakapiit na ngayon sa Camp Crame sa Quezon City makaraang maaresto sa entrapment operation ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) kahapon.
Kinilala ni CITF commander Senior Supt. Chiquito Malayo ang nadakip na pulis na si PO2 Joseph T. Buan, na nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Traffic Section.
Ayon kay Malayo, inaresto si Buan matapos umanong tumanggap ng marked money sa entrapment operation ng mga tauhan ng CITF sa Lawton sa Maynila, bandang 12:30 ng tanghali kahapon.
Sinabi ni Malayo na nag-ugat ang operasyon sa reklamong natanggap nila na dalawang hindi kilalang pulis-Maynila ang nagsasagawa umano ng extortion activities sa Liwasang Bonifacio sa Lawton, tuwing Biyernes, at partikular na binibiktima ang mga bus operator.
Nabatid na nakakokolekta umano ang dalawang pulis ng P500-P2,000 kada linggo.