Ni: Liezle Basa Iñigo
Patay ang isang sinasabing miyembro ng cattle rustling group nang makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Loria, malapit sa hangganan ng Bgy. Calaccab sa Angadanan, Isabela.
Sa report ni Insp. Carlito Manibog, deputy chief of police ng Angadanan, nirespondehan nila ang report ni Leonardo Ricardo, chairman ng Bgy. Loria kaugnay ng pagnanakaw umano sa alagang kalabaw ng opisyal.
Dakong 8:20 ng gabi nitong Huwebes nang magresponde ang pulisya at inabutan pa umano ang suspek na hila-hila ang kalabaw.
Nang sitahin ay binaril umano ng suspek ang patrol car kaya napilitan ang mga pulis na gumanti ng putok hanggang napatay ang suspek.