Ni: Mary Ann Santiago at Charina Clarisse L. Echaluce

Pinaalalahanan ng Department of Health (DoH) ang publiko na umiwas sa nakamamatay na sakit na leptospirosis, kasunod na rin ng kaliwa’t kanang pagbaha sa Metro Manila at sa mga kalapit na lalawigan, dulot ng malakas na pag-ulang dala ng habagat at ng bagyong ‘Gorio’.

“Pinapayuhan ng Kagawaran ng Kalusugan ang publiko na umiwas sa sakit na leptospirosis, isang impeksiyon na sanhi ng mikrobyong leptospira na taglay ng ibang hayop,” saad sa advisory kahapon ng DoH. “Ang leptospirosis ay nakamamatay.”

Ayon sa DoH, ang leptospirosis ay dulot ng mikrobyong leptospira spirochetes, na nasa ihi o dumi ng mga hayop tulad ng daga, na humahalo sa baha.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Naisasalin ito sa tao, kung may sugat ito at lulusong sa kontaminadong baha, o sa pamamagitan ng mata, bibig, at tenga.

Ilan sa mga sintomas ng sakit ay lagnat, pananakit ng iba’t ibang parte ng kalamnan at kasu-kasuan, pananakit ng ulo, at pamumula ng mata.

Sa malalang kaso ng sakit, lubos na naaapektuhan ang atay, bato, at utak ng pasyente, na magdudulot ng paninilaw ng balat, dark-colored at kakaunting ihi, at labis na pananakit ng ulo.

Payo naman ng DoH, upang makaiwas sa sakit ay tiyaking malinis ang pagkain at ligtas ang inuming tubig.

Dapat ding iwasang lumusong o lumangoy sa baha lalo na kung may sugat.

Kung hindi naman maiiwasang lumusong sa baha, ay dapat na gumamit ng bota, at kaagad na hugasan ang sugat o anumang bahagi ng katawan na nalantad sa baha.

Paalala pa ng DoH, kung ang isang indibiduwal ay nakitaan ng sintomas ng leptospirosis, dalawang araw matapos na lumusong sa baha, dapat na kaagad itong ipakonsulta sa doktor.