ANG Commission on Audit (CoA) marahil ang pinaka-hindi popular na ahensiya ng gobyerno para sa mga opisyal ng pamahalaan ngunit pinapaboran ng publiko dahil sa mga ulat nito na naglalantad sa mga iregularidad sa paggamit ng pondo ng gobyerno.
Sa isang ulat sa unang bahagi ng buwang ito, natuklasan ng CoA na sobra-sobra ang inimbak na supplies ng Senado at nagkakahalaga ito ng tatlong milyong piso, kabilang na ang—akalain n’yo—toilet paper. Ang sumobrang stock ng pamunas ay hindi naman inabot ng milyon—nasa P37,000 para sa 3,272 rolyo—ngunit nasapul ng report ang imahinasyon ng publiko, at nagbunsod pa ng ilang komento sa social media na nagsabing kailangan ang sangkatutak na toilet paper dahil sa umano’y maraming karumihan sa mataas na kapulungan.
Nagbunyag ang CoA ng mas malalaking iregularidad na kinasasangkutan ng malalaking halaga. Sa panahon ng nakalipas na administrasyong Aquino, nanawagan ito ng imbestigasyon para sa P295-milyon programa sa pagpapaganda sa mga palikuran sa iba’t ibang tanggapan ng Department of Transportation.
Sa unang anim na buwan ng administrasyong Duterte, hiniling ng CoA sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipaliwanag nito ang P7.65 bilyong unliquidated funds hanggang noong Disyembre 2016 para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Kalaunan, iniulat ng DSWD sa CoA na nagawa nitong matapyasan ang hindi naidetalyeng pondo sa apat na bilyong piso noong Marso.
Ang marahil ay pinakamalaking naibunyag ng CoA sa nakalipas na mga taon ay bumulaga noong 2007-2009 nang imbestigahan nito ang pagkakasangkot ng maraming kongresista at senador sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam sa operasyong dawit ang mga pekeng non-government organization (NGO) na may kaugnayan sa negosyanteng si Janet Lim Napoles.
Tatlong senador mula sa oposisyon ang nakulong at ilan pang kaso ang kasalukuyan ngayong iniimbestigahan. Sinabi ng CoA na sa ngayon, ang mga naisampa pa lamang na kaso ay kinabibilangan ng walong NGO na may kaugnayan kay Napoles, subalit may 74 pang NGO na naging kasabwat sa paglilipat ng pondo ng PDAF sa ibang kongresista, na sa pagkakataong ito ay kinabibilangan ng maraming kaalyado ng nakalipas na administrasyon, ayon sa CoA.
Kaya naman mula sa PDAF hanggang sa rolyo-rolyo ng toilet paper, nadiskubre at iniulat ng CoA ang mga anomalya sa paggamit ng pondo ng gobyerno. Pinupuri namin ang mga opisyal at maraming kawani ng CoA na walang pagod na sinusuri ang mga operasyon ng pamahalaan nang walang bahid ng pulitika, at ang tanging hangad ay matiyak ang wastong paggamit sa pera ng taumbayan.