Ni: Marivic Awitan

SA ikalawang magkasunod na araw, nakansela ang mga laro sa National Athletic Collegiate Association Season ‘93 dahil sa bagyong ‘Gorio’ sa Metro Manila.

Tulad ng naunang pagpapaliban ng mga laro ng juniors at seniors squads ng San Sebastian College at ng Jose Rizal University nitong Huwebes, gayundin ang nangyari sa mga larong nakatakda kahapon sa pagitan ng mga juniors at seniors teams ng Emilio Aguinaldo College (EAC) kontra Perpetual Help, ang league leader Lyceum at kapitbahay nito sa Intramuros na Mapua, at Arellano University laban sa College of St. Benilde sa Fil Oil Flying V Center sa San Juan City.

Nauna nang kinansela ang dapat sana 'y ikatlong pagdaraos ng NCAA on Tour sa San Sebastian College gym sa Manila kasunod ng naunang kanselasyon ng klase sa lahat ng lebel sa maraming bahagi ng Kamaynilaan sanhi ng panaka-nakang malakas na pag-ulan na nagresulta ng pagbaha.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Ganito rin ang sitwasyon nitong Huwebes ng gabi hanggang kahapon ng umaga kaya muling ipinagpaliban ang mga laro.

"Due to bad weather and suspension of classes, and for the welfare of our students and supporters, NCAA games tomorrow July 28 (Friday) are cancelled," pahayag ni NCAA Management Committee (MANCOM) chairman Fr. Glynn Ortega ng season host San Sebastian.

Mismong sa siyudad ng San Juan kung nasaan ang venue na paglalaruan ay walang pasok sa lahat ng lebel sampu ng lungsod ng Maynila kung saan naroon ang EAC, Lyceum, Mapua, Arellano at St. Benilde.

Sinabi ng Mancom na pagdedesisyunan pa kung kailang maitutuloy ang mga nakanselang laro.