5 patay, 5 sugatan sa serye ng NPA attacks

Patay ang limang katao, kabilang ang isang pulis at isang opisyal ng New People’s Army (NPA), sa serye ng engkuwentro ng puwersa ng gobyerno laban sa magkakahiwalay na pag-atake ng mga rebelde sa Sorsogon, Pangasinan, at Quirino kahapon.

Sa natanggap na ulat mula sa Sorsogon Police Provincial Office (SPPO), dakong 5:00 ng umaga nang makasagupa ng Regional Intelligence Unit-5, Alpha Coy ng 22nd Infantry Battalion at 31st Infantry Brigade ng Philippine Army ang nasa 30 rebelde sa Sitio Namoro, Barangay Trece Martires sa Casiguran, Sorsogon.

Pawang miyembro ng NPA ang limang nasawi, kabilang si Andres Hubilla, secretary ng Komiteng Probinsya 3 Proletarian Regional Bicol Committee, habang kinikilala pa ang tatlong kasamahan niya.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Wala namang nasugatan sa panig ng gobyerno.

Sa Pangasinan, isang operatiba ng Regional Public Safety Batallion 1 ang nasawi, habang tatlo pang pulis ang nasugatan sa engkuwentro sa hindi natukoy na bilang ng mga rebelde sa bayan ng San Nicolas, bandang 9:30 ng umaga, ayon kay Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) director, Senior Supt. Ronald Oliver Lee.

Kaugnay nito, kaagad namang inalerto ng PPPO ang lahat ng himpilan ng pulisya sa lalawigan, at isinailalim sa full alert status kasunod ng nasabing engkuwentro sa NPA.

Nauna rito, iniulat kahapon ng Cagayan Valley Police na isang sundalo at isang rebelde ang nasugatan sa bakbakan sa nasa 30 rebelde sa Bgy. San Ramos, Nagtipunan, Quirino, nitong Miyerkules.

Bandang 5:40 ng hapon nang sumiklab ang engkuwentro ng NPA sa Bravo Company, 86th Infantry Battalion.

Napaulat na nasugatan sa insidente si PFC Noel Antonio, gayundin ang NPA member na si Arnold Jamias, 28, ng Bgy. Sangbay, Nagtipunan, na naaresto.

Samantala, iniulat din ng militar ang pagsuko ng dalawang umano’y komunistang terorista sa mga tauhan ng 1st Maneuver Platoon sa Quirino.