Ni: Nonoy E. Lacson

ZAMBOANGA CITY – Dalawang miyembro ng Abu Sayyaf na sangkot sa serye ng nakawan ang naaresto ng militar sa Tawi-Tawi.

Kinilala ni Brig. Gen. Custodio Parcon, Jr., commander ng Joint Task Force Tawi-Tawi, ang dalawang bandido na sina Merson Arak Garim, at Rustom Garim.

Dinakip sila ng tropa ng Marine Battalion Landing Team-9 sa combat operation na inilunsad sa Barangay Batu-Batu sa Panglima Sugala, Tawi-Tawi, bandang 5:30 ng umaga nitong Miyerkules.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“Prompted by reports alleging the presence of seven Abu Sayyaf bandits and the commission of robbery by the said group in Barangay Batu-Batu, the Marine troops conducted the offensive, yielding to the arrest of the Garims and the seizure of an M16 loaded with ammunition,” sabi ni Parcon.

Martes nang iniulat ng mga sibilyan sa militar na namataan nila sa lugar ang dalawang bandido, na armado umano ng M16 armalite at .30 caliber rifle.

Sinabi naman ni Parcon na ninanakawan ng grupo ng dalawang Garim ang mga mangingisda at magsasaka sa mga liblib na lugar, partikular sa Bgy. Balimbing, Panglima Sugala, batay sa impormasyon ng pulisya.

Batay sa blotter report na inihain ni Private First Class Edgar Flores ng MBLT-9, ninakawan ng mga bandido ang magsasakang si alyas “Mansiar” ng mga tanim nitong copra, at pinagbantaang papatayin si Reny Flores, kapatid ni PFC Flores at may-ari ng isang niyugan sa Sitio Bud-bud sa Bgy. Kulape, Panglima Sugala nitong Hulyo 24.

Batay sa huling datos nitong Hulyo 26, nasa 72 miyembro ng Abu Sayyaf na ang nadakip ng mga Joint Task Force sa Western Mindanao. Sa nasabing bilang, 11 ang dinampot sa Basilan, 43 sa Sulu, pito sa Tawi-Tawi, at 11 sa Zamboanga.