Ni: PNA

ISASABAK ng Sanman Boxing Club ng General Santos City sina Raymond Tabugon at Lolito Sonsona kontra sa kambal na sina Andrew at Jason Moloney ng Australia sa WBA Oceania titles sa Agosto 19 sa Function Centre of Melbourne Park sa Victoria, Australia.

Haharapin ni Tabugon ang walang talong si Andrew Moloney para sa WBA Oceania super flyweight title, habang hahamunin ni Sonsona si Jason Moloney para sa WBA Oceania super bantamweight title.

Galing si Tabugon, dating International Boxing Organization (IBO) Inter-Continental light flyweight champion, sa impresibong TKO win sa ikapitong round kontra Jetly Purisima nitong Mayo 12 sa Waterfront Insular Hotel sa Davao City.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakopo naman ni Sonsona ang bakanteng World Boxing Federation (WBF) International super flyweight crown via unanimous decision kontra Renren Tesorio noong Pebrero 26 sa Lagao Gym sa Gensan.

Napanatili naman ni Andrew Moloney, 26, ang korona sa iaktlong pagkakataon kontra Mexican Aramis Solis via 3rd round knockout nitong Hunyo 3 sa Function Centre.

Hindi rin nadungisan ang karta ni Jason Moloney nang maidepensa sa ikaapat na pagkakataon via 5th round technical knockout kay Mexico’s Emanuel Armendariz nitong Hunyo 3.

Sasabak din si Filipino Silvester Lopez (28W-13L), dating WBC Asian Boxing Council Continental featherweight champion, sa undercard kontra Ibrahim Balla (11W-1L) ng Australia.

Ang boxing event ay isinusulong ng Lynden Hosking of Hosking Promotions sa ilalim ng Professional Boxing and Combat Sports Board of Victoria.