Ni: Marivic Awitan

NGAYONG mas pinalaki ang nakataya, inaasahang mas magiging mahigpit ang labanan sa sand court sa BVR on Tour National Championship na magsisimula ngayon sa Anguib Beach sa Sta. Ana, Cagayan.

Naghihintay ang mga spots para sa national pool para sa Southeast Asian beach volleyball championship sa Setyembre sa tatlong araw na torneo na may tig-16 na tambalan sa women’s at men’s division.

pvf copy

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“I’m excited to be presenting this opportunity not just for me but for every player of beach volleyball,” pahayag ni BVR founder Bea Tan, lumalaro sa Team Perlas.

Batay sa format ng torneo, hahatiin ang 16 na koponan sa apat na grupo kung saan ang top 2 ay uusad sa playoff round.

Ang nagtatapos na top three kapwa sa women’s at men’s division ay mapapabilang sa national beach volleyball pool para sa SEA competition sa Singapore.

Ilan sa mga inaasahang magiging mga contenders ang Cebu women’s standouts na sina Therese Ramas at Floremel Rodriguez, at men’s titlists Jade Becaldo at Rommel Pepito.

Kabilang sa mga kalahok sa women’s side ang Team Perlas, Ateneo, Rizal Technological University, Iloilo, Bacolod, Tagum at Philippine National Police.

Nakahanay naman sa men’s division ang Far Eastern University, National University, Coast Guard, Bacolod, Iloilo, RTU, University of St. La Salle-Bacolod, Ateneo at Navy.

Ang magkakampeong koponan sa magkabilang dibisyon ay tatanggap ng P50,000, habang ang runner up ay pagkakalooban ng P30,000 at ang third placer ng P15,000.