Ni: Aaron B. Recuenco at Danny J. Estacio

Ramdam na sa mga lalawigan ang epekto ng suspensiyon ng usapang pangkapayapaan sa mga komunista dahil na rin sa serye ng pag-atake ng New People’s Army (NPA), na nakipagsagupaan sa militar sa Laguna at Palawan sa nakalipas na mga araw.

Sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, director ng Police Regional Office (PRO)-4B, na sumiklab ang engkuwentro ng NPA at pulisya sa kabundukan malapit sa hangganan ng mga bayan ng Bataraza at Rizal sa Palawan nitong Miyerkules ng hapon.

“The firefight lasted for about 40 minutes. There was no reported casualty on both side,” sabi ni Mayor.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Mayor na nakasagupaan ng mga tauhan ng Philippine Marines at Special Forces ng Philippine Army ang mga rebelde, na pinangunahan ng isang Ka Allan.

Naniniwala ang militar na marami ang nasugatan, kung hindi man nasawi sa panig ng NPA batay sa mga bakas ng dugo na nadiskubre nila sa clearing operations, na nakumpiska rin ang isang improvised shotgun at isang cell phone.

Nauna rito, nakasagupa rin ng Army ang grupo ng mga rebelde sa Sitio Bateria sa Barangay San Rafael, sa Luisiana, Laguna.

Sinabi ni Major General Rhoderick Parayno, commander ng Second Division ng Army, na nakaengkuwentro ng 80th Infantry Battalion ang nasa 10 rebelde bandang 5:40 ng umaga nitong Martes.

Ilang minuto ring tumagal ang bakbakan hanggang sa umurong ang mga rebelde patungong kabundukan, ayon kay Parayno.

Sinabi ni Parayno na walang nasawi sa panig ng militar.

Kasabay nito, napaulat na pinaputukan ng NPA ang kampo ng pulisya sa Bgy. Lumot sa bayan ng Cavinti kahapon.