Ni: Ric Valmonte

“SA dami ng brutal na pagpatay na siyang nangyayari ngayon,” wika ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ikalawa niyang State of the Nation Address (SONA), “masama sa panlasa ang idagdag mo pa ang human rights at due process.” Aniya, kung gusto mong pumuna, kondenahin mo ang ginawang pagpatay. Ngunit, huwag mo umanong gawing dahilan o huwag mong tratuhin ito ng walang halaga sa pagsasabi ng human rights.

Bukambibig na ito ni Pangulong Digong mula nang siya ay manungkulan. Kasi, sa pagtupad niya sa kanyang pangako sa taumbayan na susugpuin niya ang krimen at ilegal na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, kamay na bakal at hindi kamay ng batas, ang kanyang ginamit.

Kung naging epektibo siya sa pamamaraang ito, nang pamunuan niya ang Davao City sa matagal na panahon, akala niya ay matagumpay niyang magagawa ito sa buong bansa ngayong siya ang pangulo. Kaya, halos araw-araw ay may pinapatay. Mga pulis at vigilante ang may gawa at mga sangkot sa ilegal na droga ang mga biktima.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang problema, ang natapos ay ang panahong ipinangako niyang wawakasan ang krimen at droga, hindi ang mismong krimen at droga. Iba kasi ang Davao sa buong bansa.

Sa pakikidigma ng Pangulo laban sa ilegal na droga, ayaw niyang may sagabal sa kanya. Nais niyang malaya itong magawa. Kung sa Davao, malaya niyang nagawa ang mga gusto niyang mangyari, nais niyang ganito rin ang gawin sa buong bansa. Kaya galit siya sa mga human rights advocates. Asar na asar siyang marinig ang human rights at due process.

Nais kasi ng mga human rights advocate na igalang ng Pangulo ang mga karapatang ito sa kanyang war on drugs. Kung ayaw niyang marinig ang human rights at due process, sabihin na lang nating batas. Tutal sa pag-upo niya bilang pangulo, sumumpa siyang tapat na paiiralin ang batas.

Isa pa, inihalal siya dahil ang uri ng gobyerno ay demokrasya at isa sa mga batayang prinsipyo nito ay gobyerno ito ng batas at hindi ng tao. Na lahat ng nasa gobyerno, mula sa empleyado hanggang sa kataas-taasang opisyal, ay likha ng batas. Dahil dito, sa pagganap ni Pangulong Digong sa kanyang sinumpaang tungkulin, sa ayaw niya at sa gusto, kailangan niyang yumukod sa batas. Kaya, sa ayaw niya at sa gusto, kinakailangang naaayon sa batas ang kanyang war on drugs.

Ito ang ipinagdidiinan ng human rights advocates kay Pangulong Digong. Hindi komo ganito ang gingawa nila ay tinatrato nila na walang halaga ang mga pagpatay, karumal-dumal man ang mga ito o hindi. Kinokondena nila ang mga ito, pero kinokondena rin nila ang pamamaraan ng gobyerno sa paglutas ng mga ito at sa pagpapanagot sa mga may gawa nito. Hindi komo may pinatay, papatayin na rin ng gobyerno ang mga taong pinaghihinalaan pa lamang. Kapag ganito ang ginawa ng... gobyerno, gaya ng ginawa nito sa mga “person of interest” pa lang sa San Jose del Monte massacre, hindi ko na makita ang pagkakaiba ng gobyerno sa mga kriminal.

Kailangan sa lahat ng oras ay mangibabaw ang batas. Dahil ang “Slave of today maybe tyrant of tomorrow,” ayon kay Dr. Jose Rizal. Ang bully ngayon ay maaaring siya naman ang binu-bully bukas. Tignan ninyo ang nangyari kay Gov. Imee Marcos ng Ilocos Norte. Nang siya ay pagbantaan ng mga mambabatas na iko-contempt at ipakukulong kung hindi sisipot sa pagdinig ukol sa umano’y maanomalyang paggamit ng tobacco excise tax, sinabi niya sa kanila na sumunod sila sa batas. Igalang nila ang kanyang karapatan sa due process. Pero noong panahong idineklara ng kanyang ama, si dating Pangulong Ferdinand Marcos, ang martial law ay walang batas sa kanila. Sila ang batas. Mapayapa ang lipunan sa ilalim ng batas kahit pabagu-bago ang kalagayan ng mamamayan.