Ni: Mars W. Mosqueda, Jr.
CEBU CITY – Pormal nang kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI)-Region 7 ng rape ang lawyer-broadcaster na umano’y gumahasa sa isang 13-anyos na babae.
Ayon kay NBI-7 Director Patricio Bernales Jr., ang mga nakalap na impormasyon sa kanilang imbestigasyon ay naipadala na sa piskal.
Kinilala ang lawyer-broadcaster na si Atty. Joril Patiño, program handler sa Brigada News FM sa Cebu City.
Sa live na panayam ng isang lokal na istasyon ng radyo, iginiit ni Patiño na inosente siya at handang makulong.
Itinanggi niya ang alegasyon ng panghahalay at sinabing walang pagkakataon na sumakay sa kanyang kotse ang dalagita.
Inakusahan kamakailan ng biktima ang abogado na sinabi niyang humalay sa kanya sa loob ng kotse nito.
Iniulat na nawawala ang dalagita ngunit natagpuan din kahapon matapos ihayag ng Cebu City government na magbibigay ito ng P100,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng detalye tungkol sa kinaroroonan ng biktima.
Ayon sa dalagita, lumayas siya sa bahay dahil natatakot umano siyang isailalim sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development.