MAYROONG madilim na kabanata sa kasaysayan ng ugnayan ng Pilipinas at Amerika na iilan lamang ang nakaaalam, o nais itong mabunyag. Itinuturing ng mga Amerikano na bahagi ito ng pandaigdigang Spanish-American War, nang makipaglaban ang tropa ng Amerika sa mga Espanyol sa noon ay mga kolonya ng Espanya na Cuba at Pilipinas, sa simula ng ika-20 siglo.
Tinalo ng tropang Amerikano, sa pangunguna ni Admiral George Dewey ang tropang Espanyol sa Manila Bay, at ipinagpatuloy ng mga sundalong Amerikano ang digmaan sa kalupaan. Ngunit dumating sa bansa ang mga Amerikano sa panahon lamang na ang mga Pilipino, sa pangunguna ni Heneral Emilio Aguinaldo, sa rebolusyong inilunsad nito laban sa 350 taon ng pananakop ng Espanya sa Pilipinas. Kasabay ng paglisan ng mga Espanyol sa bansa, nagharap ang mga puwersang Pilipino at Amerikano sa isang digmaan, ang kilala nating Philippine-American War.
Nangyari sa Balangiga, Samar, ang pamamaslang sa 48 at pagkasugat sa 22 kasapi ng Company C ng 9th US Infantry Regiment sa pagsalakay ng mga Pilipinong gerilya na sinugo ni Heneral Vicente Lukban. Inatasan ni US President Theodore Roosevelt si Major Gen. Adna R. Chaffee, gobernador militar ng Pilipinas, na payapain ang Samar. Itinalaga ni Chaffee si Brig. Gen. Jacob H. Smith, na inatasan naman si Major Littleton Waller, commanding officer ng isang batalyon mula sa 315 US Marines: “I want no prisoners. I wish you to kill and burn, the more you kill and burn, the better it will please me. The interior of Samar must be made a howling wilderness.”
Kinontra ni Major Waller ang partikular na utos na ito, ngunit sa sumunod na mga insidente, sinasabing nasa 2,500 hanggang 50,000 ang mga Pilipinong napatay ng tropang Amerikano. Iniutos ni President Roosevelt ang isang imbestigasyon, sinabing bagamat suportado niya ang Army sa lahat ng legal at lehitimo nitong pagganap sa tungkulin, dapat na tiyaking walang naisasagawang kalupitan at iwasan ang mga gawaing brutal, at ang mapatutunayang nagkasala ay dapat na managot. Kalaunan, nilitis ng korte si General “Howling Wilderness Smith” — naging taguri sa kanya — napatunayang may sala, pinagsabihan, at pinuwersang magretiro sa serbisyo. Kalaunan, isinulat ng mga military historian ng Amerika na ang labis na karahasang ginawa ng puwersa ng US Army at US Marines sa Samar “stained the memory of the United States pacification of the Philippine Islands.”
Tinangay ng US Army ang tatlong kampana mula sa simbahan ng bayan ng Balangiga bilang kanilang tropeo. Sa kasalukuyan, ang isa sa mga ito ay matatagpuan sa 2nd Infantry Division Museum sa isang kampo sa South Korea, habang ang dalawa ay nasa F. E. Warren Air Force Base sa Wyoming sa Amerika. Nanawagan ang mga opisyal ng Pilipinas, kabilang si Pangulong Fidel V. Ramos noong 1994 at ang Senado noong 2002, ng negosasyon upang ibalik ng gobyerno ng Amerika ang mga nasabing kampana sa Pilipinas. Ngunit iginiit ng mga opisyal at beterano ng militar ng Amerika na ang mga kampana ay simbolo ng mahalagang alaala para sa mga sundalong Amerikano na pinaslang sa Balangiga.
Nitong Lunes, si Pangulong Duterte ang huling opisyal ng Pilipinas na nagbanggit sa usapin, at ginawa niya ito sa kanyang State-of-the-Nation Address sa Kongreso. Sinabi ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone, “It’s about time the bells are returned to the people of Eastern Samar to erase the last vestiges of the Philippine-American War….”
May masasakit na alaalang nauugnay sa mga kampana at pawang may kinalaman sa kasaysayan ang paninindigan sa mga ito ng iba’t ibang opisyal mula sa dalawang bansa sa nakalipas na mga taon. Ngunit masasabing panahon na upang hayaang mabura na sa alaala ang kabanatang ito alang-alang sa malapit nating ugnayan na nasubukan sa mga lugar ng digmaan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sa mga sumunod pang kaguluhan sa iba’t ibang dako ng mundo.
Hindi tamang maging simbolo ng digmaan ang mga Kampana ng Balangiga, gaya ng naagaw na kanyon o ng espada ng heneral ng kaaway. Ang mga nasabing kampana ay bahagi ng pananampalataya at kultura ng mga Pilipino. Sakaling makalipas ang mahigit isang siglo ay maibalik ang mga ito sa dating kinalalagyan sa kampanaryo ng simbahan sa Samar, ito ay magiging dakila at makasaysayang pagpapatunay ng pagkakaibigan at kabutihan sa pagitan ng dalawang bansa.