Ni: Orly L. Barcala
Sabay-sabay tumimbuwang ang tatlong hinihinalang carjacker matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Sa report kay Police Sr. Supt. Chito Bersaluna, hepe ng Caloocan Police, inilarawan ang mga suspek na nasa edad 30, 35, 40 at may taas na 5’2”, 5’5” at 5’7”, ayon sa pagkakasunod.
Una rito, hinarang ng mga suspek si Ronald Abante, nasa hustong gulang, sa kanto ng Kaong Street at Malanting St., Barangay 179, dakong 1:00 ng madaling araw.
“Sakay din po sila sa isang motorsiklo tapos pinahinto nila ako at pinababa sa motor ko, tapos tinutukan nila ako ng baril sabay tangay sa motorsiklo ko,” ani Abante.
Kumaripas si Abante sa Police Community Precinct (PCP) - Station 5 at nagpasaklolo at iniradyo ang mga hitsura ng mga suspek.
Pinara ang mga suspek sa Sahara St., Bgy. 180, ngunit sa halip na huminto ay isa sa mga ito ang bumunot ng baril at pinaputukan ang mga pulis.
Gumanti ang awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Narekober ang isang caliber 38 at ang motorsiklo ni Abante.