Ni: Jun Fabon

Makalipas ang tatlong taong pagtatago sa batas, hawak na ng awtoridad ang babaeng sinasabing tumangay ng P2 milyon sa isang real estate company sa Bagiuo City, matapos arestuhin kahapon sa Quezon City.

Kinilala ni Police Supt. Pedro Sanchez, hepe ng Kamuning Police-Station 10 (QCPD-PS10), ang suspek na si Lovelyn Batallones, 28, tubong Dasdasan Street, Marcos Highway, Baguio City, at nagtatrabaho sa isang construction firm sa Barangay Kamuning, Quezon City.

Napag-alaman na si Battallones ay wanted sa kasong 58 counts of qualified theft at may warrant of arrest na inisyu ng RTC Branch 3 ng Baguio City.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa reklamo ni Vivian Corpuz, presidente ng isang real estate company sa Bagiuo City, tatlong taon na ang nakalilipas, tinangay ni Batallones ang P2 milyong kita ng kumpanya.

Sinabi pa ng biktima na nang malaman niya na nagtatrabaho ang suspek sa Quezon City, agad niya itong isinumbong kay Supt. Sanchez.

Ganap na 10:45 ng umaga kahapon, sinalakay ng mga operatiba ng Kamuning Police, sa pangunguna ni SPO3 Marlon Zabala, ang pinagtatrabahuhan ng suspek at tuluyang inaresto.

Pansamantalang nakapiit si Batallones sa Kamuning Police-Station 10.