Nina AARON B. RECUENCO, FER TABOY at JUN Fabon

Isang ex-convict na inaresto sa panggagahasa at pagpatay sa walong taong gulang na babae sa Nueva Ecija ang umano’y nang-agaw ng baril ng kanyang police escort at binaril ang sarili sa loob ng Camp Crame sa Quezon City.

Ayon kay Senior Supt. Glenn Dumlao, director ng Anti-Kidnapping Group (AKG), naganap ang pagpapakamatay ni Hilario Herrera habang siya ay ibinabalik sa selda sa loob ng compound ng unit, dakong 9:00 ng gabi nitong Martes.

“He (Herrera) and his escorts just came from an inquest proceedings when he grabbed the service firearm and shot himself,” ani Dumlao, idinagdag na ang mga kasong kidnapping, rape at homicide ay isinampa laban sa suspek sa Department of Justice sa Maynila bago ang pagpapakamatay.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Dumlao na hindi inaasahan ng dalawang escort ang pagpapakamatay ni Herrera dahil wala itong indikasyon simula nang ito ay arestuhin sa Palawan matapos ang panggagahasa at pagpatay sa Nueva Ecija.

Si Herrera ay akusado sa panggagahasa sa anak ng kanyang amo bago itinapon ang bangkay sa isang creek noong nakaraang linggo. Namamasukan siya bilang house helper.

Ngunit upang maiwasan ang pag-aalinlangan na may naganap na foul play, sinabi ni Dumlao na agad niyang ipinag-utos sa dalawang police escort ni Herrera na sumailalim sa paraffin test at kinordonan ang pinangyarihan at tumawag ng police investigators.

Nang tanungin kung ano ang maaaring dahilan ng pagpapakamatay ni Herrera, sinabi ni Dumlao na maaaring nakonsensiya si Herrera dahil naging sobrang bait sa kanya ng kanyang amo.

Isa pang dahilan ang umano’y unwritten rule sa Iwahig Penal colony kung saan pinapatay ang mga rape convict, lalo na ang mga nambiktima ng mga bata.

“There’s a tradition there (Iwahig) that if your case is rape, you will be killed. Maybe it entered his mind that he would be killed,” ayon kay Dumlao.