Nasa “neutral” ang opinyon ng maraming Pilipino sa epekto ng deklarasyon ng martial law sa Mindanao sa ekonomiya ng Pilipinas, ngunit nasa bingit na para maging “unfavorable,” batay sa huling resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS).
Lumutang sa nationwide survey na isinagawa nitong Hunyo 23 hanggang 26 sa 1,200 respondent na 43 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsasabing walang magbabago sa ekonomiya ng bansa matapos ideklara ang batas militar sa Mindanao.
Samantala, 33% ng mga Pilipino ay nakikitang lalala ang ekonomiya, habang 24% ang umaasang bubuti ito.
Ang proportion ng respondents na nagpahayag na bubuti ang ekonomiya ng Pilipinas at ang mga nagpahayag na sasama ito ay katumbas ng “neutral” -9.
Sa klasipikasyon ng SWS: +50 pataas, “extremely favorable”; +30 hanggang +49, “very favorable”; +10 hanggang +29, “moderately favorable,” +9 hanggang -9, “neutral”; -10 to -29, “moderately unfavorable”; -30 to -49, “very unfavorable”; -50 pababa, “extremely unfavorable.”
Natuklasan ng SWS na mayroong hindi paborableng opinyon sa ibang bahagi ng Luzon at Visayas ngunit kinontra ito ng neutral na opinyon sa Mindanao at Metro Manila.
Ang findings sa opinyon ng mamamayan sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Dutetre ng martial law sa Mindanao ay iniulat ng SWS noong Hulyo 11.
Ang balanse ng opinyon sa epekto ng martial law sa ekonomiya ng Pilipinas ay net -23 (17% better versus 40% worse) sa 29% na nagsabing dapat at nilimitan ng Pangulo ang deklarasyon ng martial sa Marawi City at Lanao Del Sur.
“Thus, opinions are clearly unfavorable among the large minority 40 percent wanting a more limited geographic scope for Martial Law,” punto ng SWS.