NAGING matagumpay ang pagbubukas ng ikalawang regular session ng 17th Congress nitong Lunes, idinaos ng Senado at Kamara de Representantes ang kani-kanilang opening session at inihayag ang mga prioridad nilang panukala, bago dumalo sa joint session upang pakinggan ang paglalahad ni Pangulong Duterte ng ikalawa niyang State-of-the Nation Address.
Nangunguna sa listahan ng mga prioridad na panukala ng Senado ang P3.767-trilyon pambansang budget para sa 2018, at ang pag-amyenda sa Konstitusyon, partikular para gawing federalism ang uri ng pamamahala sa bansa. Prioridad din ng Konstitusyon ang panukalang amyendahan ang batas, gayundin ang Bangsamoro bill.
Sa joint session, pinakinggan ng mga mambabatas ang pagbanggit ni Pangulong Duterte sa ilang usaping kinahaharap ng kanyang administrasyon, partikular ang pagbabanta niya sa mga kumpanya ng minahan na iwasto ang kanilang mga gawain na nakapipinsala sa mga ilog at daluyan; ang pangakong lilipulin ang mga teroristang Maute, at ang mga tagasuporta nito mula sa Islamic State, sa Mindanao; at ang apela sa mga hukuman sa bansa laban sa pagpapalabas ng mga temporary restraining order na nakababalam sa mga proyekto ng pamahalaan.
Pagkatapos, personal na isinumite ng Pangulo ang panukalang pambansang budget na mahigit P3.7 trilyon para sa 2018, na 12.4 na porsiyentong mas mataas sa budget ngayong taon. Bahagi ng P691 bilyon na inilaan sa sektor ng edukasyon ang pagpapagawa ng nasa 4,000 silid-aralan, ang pagkukumpuni sa 18,000 iba pang classroom, ang pagbili ng 84,781 upuan, at ang pagkuha sa serbisyo ng 81,100 bagong guro.
Bukod sa mga bagong silid-aralan, plano rin ng administrasyon na maisakatuparan ang iba pang mga proyekto alinsunod sa programang pang-imprastruktura nitong “Build, Build, Build”—mga kalsada at tulay, pantalan at paliparan, riles sa Central Luzon at Bicol region, at P6.6 bilyon para sa Phase 1 ng Mindanao Railway Project, na kapag nakumpleto ay mag-uugnay sa buong isla ng Mindanao.
Sa mga kagawaran ng gobyerno, pinakamalalaki ang inilaan sa Department of Education, sa State Universities and Colleges, at saCommission on Higher Education — nasa P649.5 bilyon; sa Department of Public Works and Highways — P467.7 bilyon; sa Department of Interior and Local Government — P149.4 bilyon; sa Department of Health — P148.6 bilyon; at sa Department of National Defense — P137 bilyon.
Inilarawan ni Pangulong Duterte ang panukalang budget bilang isang “activist bill” na layuning isakatuparan ang maraming programa ng pamahalaan na matagal nang hindi napagtutuunan ng atensiyon at pondo sa nakalipas na mga taon.
Dagdag pa niya, tutugunan ng panukalang budget ang inaasam ng mamamayan na “buhay na matatag, maginhawa, at panatag.”
Ang mas malaking pondo para sa militar at pulisya ay makatutulong sa pagkakaloob ng matatag at panatag na buhay sa bansa. Buo naman ang pag-asa ng mga Pilipino na magkakaroon sila ng maginhawang buhay. Ang mga bilyon-pisong proyekto ay magkakaloob ng trabaho para sa marami, na susundan ng mas masiglang ekonomiya na epekto ng mga bago at mas magagandang kalsada, riles, paliparan, at pantalan.
Ang pangako ng mas mabuting buhay para sa bansa ay ginawa nitong Lunes sa SONA ng Pangulo at sa budget na isinumite niya sa Kongreso. Umaasam tayong magkakaroon ng katuparan ang pangakong ito sa mga susunod na buwan at taon.