Ni: Fer Taboy at Francis Wakefield
Inihayag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagkakasakit na ang ilang sundalo na tumutugis sa mga natitirang terorista ng Maute Group sa Marawi City, Lanao del Sur.
Inamin ni Capt. Joan Petinglay, bagong tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi, na nagkakasakit na ang ilang sundalo—na ang ilan ay dinapuan na ng dengue, bacteria at virus—sa pagtugis sa hanggang 70 terorista na nagkukubkob sa tatlong barangay sa siyudad.
Batay sa military monitoring, suicidal na umano ang mga terorista, na dahil nanamlay na ang mga sniper ay nagpapasabog na ng mga bomba sa mga sundalo habang nagpapalipat-lipat ng lugar.
Nabatid na mahigit 600 na ang nasawi, kabilang ang nasa 460 sa Maute, sa 63-araw na bakbakan sa Marawi.
Samantala, nakasamsam ang Scout Ranger ng isang kilong shabu sa dating pinagkutaan ng Maute sa siyudad, isang istruktura na nasa main battle area.
Ayon sa Joint Task Force Marawi, isasailalim nila sa laboratory test ang mga nasamsam na shabu.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi sapat ang 18 buwan upang maisailalim sa rehabilitasyon ang Marawi.
“So it will take more time. I think 18 months will not be enough to recover or rehabilitate Marawi City,” sabi ni Lorenzana. “So we are looking at the resolution of the Marawi incident maybe a week, ah, a month or so.”