Ni NORA CALDERON
EXCITED na ang K-Drama fanatics na malaman kung sino ang Korean actor na makakatambal ni Heart Evangelista.
Hindi pa man nagsisimulang mag-taping si Direk Mark Reyes sa South Korea, habang nagbabakasyon pa sa Paris si Heart, unahan na ang fanatics sa pagpo-post ng picture ng Korean actors na siya raw makakatambal ni Heart sa My Korean Jagiya (pronounced as jagya, meaning boyfriend), ang bago niyang romantic-comedy series sa GMA-7.
Nang magsimula nang mag-post sina Direk Mark at Heart ng mga eksena nila sa serye, hindi makita ang face ng Korean actor dahil nakatalikod naman, kaya walang makahula kung sino talaga ang Korean actor.
Until nitong Tuesday evening, sa “Chika Minute” hosted by Iya Villania na kasama sa cast ng rom-com, siya mismo ang nagpakilala at nag-interview sa Korean actor.
Ang Korean actor ay si Alexander Lee na mas gustong tawagin ng mga K-fans na ‘Xander.’ Twenty-nine years old si Xander, na half-Korean, half Portuguese-Chinese, born on July 29, 1988. Isa siyang singer, actor at host sa Seoul, Korea. Former member siya ng boy band na U-Kiss at ilang beses na ring nakapag-perform dito sa Pilipinas kaya kilalang-kilala na siya ng Filipino fans na mahilig sa K-Pop singing groups.
Hindi naging problema ang pakikipag-usap nina Heart at Iya, Direk Mark at ng production staff kay Xander dahil fluent siya sa English, Korean, Cantonese at Mandarin. Marunong din siyang magsalita ng Japanese, Spanish at Portuguese.
Nagho-host siya ngayon sa Arirang TV, ang #StyleCast2017 at may daily radio show na “Double Date Show” sa tbs eFM.
Puring-puri naman ni Xander, although medyo ninenerbiyos daw siya, ang Filipino production staff, na aniya’y mababait at looking forward sa shoot ng mga eksena naman niya rito sa Pilipinas.
Hindi raw kasi in-expect na babalik siya sa paggawa ng TV series. Dumating na si Xander sa ‘Pinas last Sunday evening, with two other Korean actors para sa taping dito. Pero bawal i-post kung saang hotel sila naka-check-in para hindi sila maistorbo.
Pero hindi kami naniniwala na hindi malalaman ng fans kung saan sila naka-billet. Mahusay silang mag-spy para malaman kung saan matatagpuan ang kani-kanilang idolo.